Friday, January 24, 2014

Nestor Puno

JAPAN IMMIGRATION
LAW WATCH (JIL WATCH)


July-August 2013



Magandang Araw po sa inyong lahat! Ang tatalakayin naman po natin ngayon ay hinggil sa epekto ng “revised immigration control act” na ipinatupad noong ika 9 ng Hulyo, 2012. Ano na po ba ang nagiging epekto nito sa atin? Paborable ba sa atin ito, o nagiging pahirap?

Sa loob ng halos isang taon magmula ng ipatupad ito, marami ang naapektuhan ng mga pagbabagong ito. Kailangan maging maingat tayo at pag-isipan muna ang lahat ng mga alternatibo bago gumawa ng hakbang na may kaugnayan sa ating visa. Kung hindi sigurado sa mga hakbang na gagawin, dumulog sa mga higit na nakakaalam o abogado, at hindi sa mga taong lalo lamang magpapagulo ng inyong isipan.

Isang halimbawa ng medyo kakaibang paghihigpit nila ngayon ay ang usapin ng buwis (tax). Mayroong Pilipina na nagpakasal sa Hapon at mayroon na silang anak, na nagsumite ng aplikasyon ng visa. Hindi siya nabigyan at sinabihang umuwi na lang sa Pilipinas. Nang tinanong kung bakit, ito ay dahil sa mayroong panahon na hindi nabayaran ang kanyang asawa na buwis. Hindi siya mabibigyan ng visa kung hindi sila nagbayad ng naturang buwis. Kung tutuusin, walang kinalaman ang asawang Pilipina sa buwis ng kanyang asawa, lalupa’t ito ay sa panahon na hindi pa sila kasal o marahil ay hindi pa magkakilala. Pero ito ay nagiging dahilan ngayon upang tanggihan ang mga aplikasyon ng visa ng mga may asawang Hapon.

Para naman sa mga nais makipaghiwalay sa asawang Hapon. Pag-isipan muna natin ang lahat ng bagay bago tayo gumawa ng hakbang at paghandaan natin kung anuman ang nais nating gawin. Dati, kahit na mayroon ka pang natitirang visa kahit na nakipaghiwalay ka na, maaari mo pa ring tapusin ang natitirang visa mula sa dati mong asawa. Pero hindi na ganoon ang sistema ngayon. Halimbawa, hindi kayo nagsasama o nag-diborsyo na, maaari nilang ikansela ang natitirang visa, maliban kung mayroong mabigat na kadahilanan. May lumalaganap na balita na kapag nakipaghiwalay sa asawa ay hindi na makakabalik dito kapag lumabas ng bansa. Maaaring maganap ito sa darating na panahon. Kahit hindi natin i-report sa immigration ang diborsyo, dahil sa nagpapalitan ng mga impormasyon ang mga ahensya ng pamahalaan, malalaman din ito ng immigration. Kampante tayo na uuwi ng Pilipinas, akala natin ay hindi pa alam ng immigration, at pagbalik natin dito ay sasabihan tayo na hindi ka na pwedeng makapasok dahil hindi ka na asawa ng Hapon.

Kung nais nating makipaghiwalay sa ating asawang Hapon, na siyang pinagkukunan natin ng visa, may pag-asa na magkaroon tayo ng sariling visa kahit wala kayong anak. Magmula sa spouse visa, maaari tayong magpalit bilang long-term resident. Pero siyempre, ito ay may karampatang

kondisyon at kailangan nating maipakita na tayo ay responsableng tao bilang isang residente at may kasanayan sa pamumuhay dito.

Kailangan ay mayroon tayong maayos na trabaho, nagbabayad ng mga buwis at nakapasok sa segurong pangkalusugan, sa minimum. Lalo na sa mga nagtatrabaho sa gabi, at kadalasang hindi binabawasan ng buwis, pwede tayong pumunta sa munisipyo ng ating tinitirhan upang ideklara ang ating kinikita at mga gastusin na siyang maaaring pagbatayan ng babayarang buwis. Maaari din tayong kumonsulta sa kanila para sa mga insurance na dapat nating bayaran. Kailangan nating mai-adopt ang mga bagay na maaari nating magamit sa ating pamumuhay dito, kabilang na rin ang pagsasalita ng Wikang Hapon. Anuman ang katayuan ng ating visa, magiging batayan natin ang mga ito upang makapanatili tayo sa bansang Hapon.

Kailangan nating maging mapagbantay sa mga magiging epekto ng batas na ito at hindi dapat maging kampante na magiging magluluwag ang immigration. May napanood nga ako sa internet na napabalita sa Pilipinas na magluluwag na daw ang Japan sa pagpasok ng mga turista mula sa Asya, kabilang ang ating bansa.

Kailangan nating mapag aralan ang bawat anggulo ng batas upang maiangkop natin sa ating kalagayan. At tiyakin na walang malalabag na karapatang pantao, laluna ang karapatan ng mga bata. Kailangan nating makasama ang mga local na mamamayan, laluna ang mga kasapi ng NGO/NPO na tumutulong sa mga foreigner, gayundin ang mga abogado, at mambabatas na makakatulong sa pagsusulong ng ating mga karapatan at kagalingan. Ang ating maayos na pananatili sa bansang Hapon ang siyang magbibigay puwang para sa layunin ng pamahalaan na “multicultural society”.

Kailangan nating magbuo ng monitoring group upang sumubaybay sa mga pagbabago at epekto ng batas migrasyon dito sa Japan. Inaanyayahan ko po kayong lahat na makilahok sa facebook group na ating itatayo upang mangalap ng mga impormasyon at karanasan mula sa ating mga kababayan dito sa Japan upang makita natin ang kaganapan sa buong bansa at maibahagi natin ito sa iba. Tatanggap din tayo ng mga nais kumonsulta, sa pamamagitan ng grupong ito at hihingi tayo ng payo mula sa mga abogado at immigration lawyer ng ating network. Ang group na ito ay tatawaging, Japan Immigration Law Watch o JIL Watch. Abangan po natin ito sa facebook, at dito po tayo magkita-kita.

Maraming salamat po.


No comments:

Post a Comment