Friday, January 24, 2014

Jasmin Vasquez

Ano Ne!




July-August 2013

Sa hirap ng buhay ngayon, hindi na kasya ang aking kinikita. Kung minsan ay wala pang pirmihang trabaho.  Paano na ang aking mga bayarin? Ang pag-aaral ng aking mga anak?

Noon, madalas akong makipagsapalaran, nahilig ako sa larong Pachinko. Masaya kapag ikaw ay nanalo ngunit kapag ikaw natalo, para kang nalugi sa isang negosyo. Sa kagustuhan mong makaahon di mo namamalayan na mas lalo kang nilulubog nito. Kaya pinilit kong iwasan ito.
Marahil may ilan din sa inyo ang nakaranas ng ganito. Sa panahon ngayon na bagsak ang ekonomiya, marami sa atin ang nahihirapan humanap ng pangmatagalan na trabaho. Madalas isa o dalawang buwan o mas maikli pa. Pasalamat na lang kahit paano nakakaraos pa rin.  

Naisip ko kaysa magsayang ako ng oras sa ibang bagay eh bakit hindi ko subukang gumawa ng bagay na kahit paano kikita ako at makakaraos kahit pambili lang ng pagkain sa araw-araw.  

Naisipan kong magluto at i-alok sa mga kaibigan ko kung gusto nilang bumili tulad ng turon at bibingka. Nagustuhan naman nila kaya kahit paano, may pera ako.    

Isang araw na nagmanicure ako at pedicure sa aking nanay, habang nakatambay kami sa isang restaurant ay  nag-request sa akin ang may ari ng Manila Sunrise (name ng restaurant) na linisan ko rin sya ng kuko. Nagustuhan naman nya ang gawa ko kaya inirerekomenda nya ako sa mga customer nya sa restaurant kapag may libre din akong oras. Malaking pasalamat sa Diyos at may mga taong natutuwa sa gawa mo at the same time kumikita ka kahit pakonti konti.  Kapag pala dumadating ka sa puntong sobrang hirap ng buhay, maiisipan mo kung paano ka pa magkakaroon ng extra income.

Ganito ang buhay ko sa Japan. Trabaho lang ng trabaho kapag may pagkakataon.  Hindi madali pero dapat kayanin mo lahat ng hirap para mabuhay ka at iyong pamilya ng maayos.  Sabi nga nila "kapag may tyaga, may nilaga".  "Kapag  may itinanim, may aanihin". Tama nga naman, hindi ka kikita kung hindi ka kikilos.

Tamang-tama, malapit na ang o-matsuri (festival or fiesta kung tawagin sa Pinas) sa iba't-ibang lugar. Maari pa akong makapag-tinda para magkaroon ng extra income.

Tulad ko, maari  ring kayong magtinda ng pagkaing Pinoy na alam kong magugustuhan din ng maraming tao dito sa Japan.  Dapat iniisip na natin ang buhay natin sa mga susunod na panahon kaya dapat tayo ay magsikap at mag-ipon upang sa gayon ay makauwi na tayo sa Pilipinas at makapi-ling na ang ating mga mahal sa buhay.  Alam kong marami din sa inyo ang sabik na sabik na makasama sila. Aminin man natin o hinde, mas masaya pa rin ang buhay sa Pinas kasama ang ating minamahal.

Hanggang sa muli.  Maraming salamat po ulit sa inyong oras na basahin itong ating pahayagan na Jeepney Press.

No comments:

Post a Comment