Pagkatapos Ng Undas,Pasko Rin Sa Wakas
November-December 2013
Undas ang kapistahan ng Todos los Santos, Araw ng Lahat ng mga Santo o Araw ng mga Santo, Araw ng mga Patay o Pista ng Patay. Ito ay ipinagdiriwang tuwing ika 1 ng Nobyembre o unang linggo bilang paggunita o paghingi ng tulong sa lahat ng santo, banal o martir, kilala o hinde. Kinikilala din itong araw ng mga kaluluwa o paggunita sa lahat ng yumaong mananampalataya na hindi pa nadadalisay o nakakarating sa langit.
Tulad natin, ang mga hapon ay may ganito ring binibigyan nila ng panahon at ito ay tinatawag nilang "obon" na idinadaos tuwing ika 15 ng Agosto. Kagaya natin, ito din ang araw ng paggunita sa mga namatay na mga ninuno, kapamilya o mga mahal sa buhay. At karamihan ay walang pasok sa mga kumpanya mapapribado o gobyerno man.
Pagkatapos ng Undas ay pasko naman. Maligayang pasko mga kababayan! Kamusta at saan po tayo gogora para idaos ang parating na Pasko? Ang araw na pinaka-aabang-abang nating lahat lalung-lalo na sa ating bansa at sa ibang bansang kristiyano na pinaniniwalaang ito ang araw ng pagsilang ni Hesus na ating manunubos. Ito ay dinaraos nang may galak ang bawat isa. Ito ang panahon ng simbang gabi at nagkalat ang panindang puto bumbong at mainit na bibingka sa paligid ng mga simbahan sa ating bansa. Panahon ng siksikan sa Divisoria at Baclaran para bumili ng mga abot kayang panregalo sa mga inaanak, kapamilya, kaibigan at mga mahal sa buhay. Pinipilit ng mga pamilyang Pinoy na magsama-sama para sa selebrasyong ito. Para sa mga bata naman ay buhay na naman si Santa para ibigay at tuparin ang kanilang mga kahilingan.
Tulad ng ibang kristiyanong bansa sa mundo, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamasaya at may pinakamahabang selebrasyon ng pasko. Mula buwan ng Setyembre ay mararamdaman na ang simoy ng hangin, maririnig mo na ang mga pamaskong himig o mga awitin sa mga istasyon ng radyo pati na sa mga komersiyal sa telebisyon. Paglabas ng bahay maging mahirap man o mayaman ay mararamdaman ang ispiritu ng pasko. At pagpasyal mo sa mga department stores o malls ay makikita mo ang mga makukulay na pamaskong nakadisplay gaya ng mga tala o stars at mga Christmas tree o lanterns na gawa sa ibat-ibang uri na may totoo o mga peke at may makukulay na palamuti at sa gabi ay nagkikislapan ang mga Christmas lights. Uso din ang palitan ng mga regalo sa eskwelahan, pamayanan at sa mga kumpanyang pinapasukan. Inaabangan na rin ng mga manggagawa ang kanilang mga bonus. Maraming mga kumpanya o mga amo ang nagbibigay ng day-off o pahinga para sa araw na ito. Kaya halos lahat ay masaya ang pamilya na ipinagdiriwang ang noche buena. Pinagsasaluhan ang mga nakayanang handa gaya ng pansit, biko, fruit o macaroni salad, spaghetti, letson at marami pang iba. Siyempre, nagbibigayan o nagpapalitan ng mga handa at mga regalo ang ibang magkakapitbahay. Kaya naman kahit nasa ibang bansa na naninirahan ang iba nating mga kababayan ay may mga pilit na umuuwi para lamang magbakasyon at maidaraos ang pasko at pati bagong taon kasama ng mga minamahal sa buhay sa bansang ating pinagmulan.
Ang pasko dito sa Japan ay hindi kasing garbo ng gaya sa atin. Una, marahil ay nakalakihan na nila ang paniniwalang Budismo at mangilanngilan lamang ang mga kristiyano dito. May ilang lugar ding nagkakaroon ng Christmas decors gaya ng mga department stores o malls. May mga bahay ding nagsasabit at nagpapailaw sa labas ng kanilang bahay para sa selebrasyon ngunit may mga bahay na tulad ng ordinaryong araw lamang ang pasko. Karamihan bibili ng Christmas cake at wine pero hinde na aabot ang alas dose ay kakainin na ito sabay tulog. Hinde rin uso ang Christmas bonus at palitan ng regalo. Ngunit kapag may mga kababayan kang kapitbahay o magkakalapit lamang, kapag ayaw sumama ay iniiwan ang mga asawang hapon sa bahay dala dala ang mga anak at magsamasamang magnochebuena o magpalipas ng pasko sa bahay ng kaibigan. Sa mga nakatira malapit sa simbahang katoliko ay mararanasan din ang simbang gabi ito ay bago ika 25 ng Disyembre. May mga Hapon din at mga ibang lahing Kristiyano na nagsisimba. Ngunit walang katulad ang kaligayahang nararamdaman kapag nasa Pilipinas kasama ang tunay nating mga pamilya. Sa ibang lugar at ibang Pilipino na malayo sa mga kababayan ay nagtitiis at tila isang ordinaryong araw lamang ang pasko. Pasalamat kapag may internet, sa gayun ay makakausap ang mga pamilya at makikita sa pamamagitan ng kamera o online chat at cam to cam. At sa tulad natin dito, ang karamihan ay pa to, arubaito o part-timer sa trabaho ay walang Christmas bonus na inaasahan.
Sa ibang OFW( over fatigue workers) o Overseas Filipino Workers sa ibang sulok ng mundo ay masuwerte na ang bibigyan ng bakasyon ng kanilang mga amo para umuwi, bisitahin o makasama ang pamilya sa ating bansa. Ang iba ay nakakalungkot kapag narinig o nalaman mo ang ibat-ibang kwento nila dahil ang iba sa kanila ay hinde makauwi dahil sa mahal ng pamasahe at dahil doon mas gugustuhin nilang ipadala na lang ang pera kapalit ng kanilang paguwi. Dahil din sa pagmamahal sa pamilya, handang magsakripisyo at magtiis kahit abutin man ng isang dekada o higit pang hinde mauwian ang pamilya kapalit nito ay maibigay lamang ang pangangailangan nila. At ang iba nga kahit pasko ay kayod pa rin kakatrabaho at walang pahinga. At isang malaking pamaskong regalo na para sa atin ang makita ang mga ngiti at malamang nasa maayos ang kalagayan ng ating mga pamilya sa ating bansa.
Kaya, saan man mga kababayaan sana ituloy natin ang ating nakalakhang magdiwang ng pasko. Dahil ang pasko ay simbolo ng pagpapatawad, pagbibigayan at pagmamahalan. Kagaya ni Hesus, siya ay isang regalo sa ating lahat para tayo ay mailigtas at iyon ay dahil mahal tayong lahat ng ating amang Diyos. Nawa'y iparating o isiwalat pa natin ang tunay na diwa ng pasko dito at sa buong mundo sa ibat-ibang pamamaraan at sa makakaya natin ng bukal sa ating mga puso.
At kagaya ng undas sa mga buhay natin, mga pasakit, problema, lungkot, hinagpis o anumang negatibong nangyayari matatapos at darating din ang pasko, ang araw ng kaligayahan, pagmamahalan at kasaganahan sa buhay. Ano man ang pagsubok na dumating, maging matatag at huwag makakalimot magdasal dahil ang dasal ay isang makapangyarihang sandata sa anumang laban natin sa buhay. Muli Maligayang Pasko po sa ating lahat.
No comments:
Post a Comment