KAPATIRAN
January-February 2014
Manigong Bagong Taon Kapatid! Parang kumurap lang ang ating mga mata ano at nagpalit na pala ang taon. Kasabay nito ay mga pagbabagong alam nating darating sa ating buhay. Meron ka na bang puting buhok? Mas dumami ba? Kulayan mo lang ang buhok mo kase kapag binunot daw dadami saka kapag madami na, syemre parusa naman iyan sa anit kapag binunot mo lahat. Wrinkle? naku ang daming mabibili na pangtanggal sa kulubot, saka ngiti ka lang palagi, hindi ka agad magkakaroon nyan. Saka nakakahawa ang ngiti, di nga ba “when you smile, the whole world smiles with you”.
Maraming mga bagay din na hindi natin inaasahan na duma-ting sa atin sa nakalipas na taon o maaring darating sa hinaharap. Ngayong 2014, isama natin sa ating New Year's resolution ang pag-alaga sa ating katawan. Mahirap magkasakit lalo na kapag malayo sa pamilya, di ba? Pero hindi lang iyan ang mas mahirap, paano kung dapuan ka ng isang nakakatakot na sakit, ang dreaded “c”, Cancer!
Padami ng padami ang mga taong nagkakaroon nito. Marami ka na bang alam tungkol dito? Mas marami kang alam sa isang bagay, mas maiiwasan o mapag-hahandaan mo ito. Malimit sa meron ng cancer binalewala nila ang mga sintomas na naramdaman o nakita nila sa kanilang katawan na kung nabusisi lang sana agad ng isang espe-syalista ay hindi na lumala. Nasa huli ang sisi di ba? Katulad ng iba pang sakit o sakuna, pag-iingat ang pinakamainam na paraan para mailigtas mo ang iyong sarili. Alamin natin, ano ba ang cancer?
Ang bawat nilikha na merong buhay ay binubuo nito. Sa pagbuo pa lang sa atin, sperm cell ni tatay at egg cell ni nanay nga ang nagtapat. Mula bumbunan hanggang talampakan, tayo ay binubuo ng hindi mabilang na cells, 50-100 trillion cells? Mas malaki ka mas marami rin ang iyong building blocks, ala “lego”. Sila ay nahahati sa may 200 na uri na inayos sa iba't ibang systema sa ating katawan, (genius talaga si Lord). Ang pare-parehong uri ng cell ay nagsasama-sama bilang isang tissue, ang pareparehong tissue na ito ay nagsasama din upang maging isang organ gaya ng bibig, lalamunan, tiyan, bituka, pwet, sila nga ang ilan sa bahagi ng ating digestive system o sistemang pangtunaw. Parang “mosaic” na gumagawa ng anyo o bahagi ng ating katawan hanggang mabuo ang isang ikaw, ako. Ito ay napakaliit na kung bubunot ka ng isang hibla ng iyong buhok, hatiin mo ng pahalang sa sampung piraso, ang isang parte sa sampung ito (1/10) ay ang humigit-kumulang ang laki ng isang cell, hindi mo ito makikita kung hindi ka gagamit ng microscope. Habang buhay tayo, ang ating mga cells ay patuloy na nagmu-multiplika at namamatay, ito nga ang tinatawag na cell cycle. Sa ating dugo halimbawa, ang red blood cells ang siyang nangongolekta ng oxygen (upang tayo ay makahinga) mula sa ating baga at hinahatid ito sa iba pang parte ng ating katawan sa pamamagitan ng kanilang pagdaloy, parang isang tren na nangongolekta ng pasahero at naghahatid sa destinasyon.
Nakatakda ang kamatayan ng mga cell, kailangan ito upang mapalitan ng bago at maibigay at magampanan ng lubusan ang kanilang tungkulin sa ating katawan na patuloy na nagbabago. Merong pagkakataon na ang isang cell ay hindi namamatay sa halip ay patuloy itong nagmu-multiplika ng walang awat. Ang kalabisan ng cells na ito na hindi naman kailangan sa ating katawan ay nabubuo bilang isang tumor o bukol na maaari ring sumalakay sa iba pang organ sa ating katawan, ito na nga ang cancer.
May 100 ang uri ng sakit na ito, ang pinakalaganap ay ang cancer sa baga, breast, matris, dugo. Ang staging ng cancer ay mula 1-4. Sa stage 1 at 2, madali pang matatanggal ang tumor sa pamamagitan ng operasyon at maaring hindi na kailanganin ang karagdagang gamutan. Sa stage 3-4, kumalat ang cancer cells sa ibang tissue o organ ng katawan ng isang tao at hindi lamang sa pagtanggal ng tumor na ito natatapos ang gamutan, kakailanganin na ang chemotherapy o radiation therapy na siyang papatay o pipigil sa muli pang pagkalat ng naiwang cancer cells na hindi maaring makuha lahat sa pamamagitan ng surgery.
Sa chemotherapy, kung saan ang gamot ay tila isang lason na pumapatay sa cancer cells, ang mga healthy cells ay namamatay din. Dahil dito, ang mga pasyente na tumatanggap nito ay maraming side effect na nararamdaman gaya ng kawalan ng paggana sa pagkain, pagsusuka, paglagas ng buhok, pamamayat, pamamanhid ng mga daliri, pagkahapo. Sa radiation therapy, ang cancer cell ay parang sinusunog hanggang ito ay mapaliit o tuluyang mawasak. Pagkahapo din ang isa sa epekto nito at posibilidad na tamaan ang katabing organ kung nasaan ang cancer cells.
Marami pang ibang treatment ang cancer. Merong mas nanalig sa Alternative Treatment kung saan ang gamutan ay hindi pa aprubado sa larangan ng medisina dahil hindi gamot na gawa ng isang laboratoryo ang ginagamit na paraan. Mga natural na paraan o sangkap na bigay ng kalikasan, kasama na dito ang mga herbal plants, tamang pagkain, ehersisyo, chiropractic, acupuncture.
Ang nagamot na cancer ay maaring bumalik sa iba namang organ ng katawan kaya nga ang mga taong nagkaroon nito ay binibigyan ng survival rate ng limang taon. Pero syempre, ang Lumikha lamang sa atin ang Siyang makakapagsabi kung hanggang kelan magsasama ang ating katawang lupa na nagkakasakit at namamatay, at ang ating kaluluwa na yayaon pa sa kabilang buhay.
Bakit nga ba nagkakaroon ng cancer ang isang tao? Maraming dahilan subalit isa sa pangunahing ugat ay kung paano natin trinatrato ang ating katawan, alagaan, abusuhin, sirain. Sabi nga “you are what you eat”, kung mahilig ka sa junk food, ginagawa mo ding junk o basurahan ang iyong katawan, pakainin mo siya ng malilinis at sariwang pagkain, mapapanatili mo din ang sigla at ganda ng iyong pangangatawan hanggang sa iyong pagtanda. Namamana din ang cancer, kung ang iyong magulang ay meron nito, mataas din ang posibilidad na makukuha mo ito. Kaya nga kapatid, pag-iingat ang pinaka-mainam na paraan, alagaan mo ang iyong sarili, hawak mo ang kalusugan ng iyong katawan at lalong-lalo na ng iyong kaluluwa. Kapag meron kang napansing kakaiba, ipasuri mo agad sa isang doktor, kung cancer nga iyan, huli siya agad at hindi na lalala. Sa konting gastos, magpa-check up ka din kahit isang beses isang taon kahit wala kang nararamdaman o napapansin.
Kung meron na tayong cancer, hindi naman ito sentensya ng kamatayan, ito ay mabigat na pagpapagunita lamang na ang buhay ay may katapusan at ang buhay ay mahalaga, at para sa marami, dito lamang nag-uumpisa ang misyon na Diyos lamang ang makakapagsabi sa iyong puso.
No comments:
Post a Comment