Ano Ne!
Bagong Taon, Bagong
Buhay, Bagong Pag-asa
January-February 2014
Maraming mga trahedya ang nangyari tulad ng baha, bagyo at lindol sa iba't-ibang bahagi ng mundo. Ngunit itong Bagyong Yolanda o tinatawag nila na "Typhoon Haiyan" ay marahil ang pinakamatinding nagdulot ng sakuna na tumama ng malakas sa iba't-ibang bahagi ng Tacloban, Leyte.
Isang bangungot sa ating mga kababayan na maraming nagdusa, nagdalamhati sa hagupit ng bagyong Yolanda. Nakakalungkot mang isipin pero maraming mga batang walang malay na maganda pa sana ang mararating kung napaghandaan lang ng maayos ang sakunang dumating. Nakakalungkot ring isipin ang mga anak na iniwan ng magulang upang makipagsapalaran sa ibang bansa at mabigyan ng magandang buhay pagbalik sa Pilipinas. Ngunit wala na sila.
Ang buhay nga naman ay hindi mo masasabi at mapipigilan kung ano ang nakatakdang mangyari. Wala ring nakakaalam kung hanggang saan lang tayo mabubuhay. Nakakalungkot isipin ang mga pangyayaring naganap.
Dahil sa nangyaring ito, maraming bansa ang nagkaisa at nagbigay ng tulong sa ating mga kababayan sa Pilipinas. Dito sa Japan, halos lahat ng Filipino Communities ay gumawa ng kani-kaniyang pamamaraan at pagtatanghal ng mga charity concerts, solicitations at iba pa. mga kapwa. Katulad din ng mga Filcom na gumagawa ng mga charity concerts. Nagtatanghal sila ng isang palabas na talaga namang pinaghihirapan nila para makatulong sa mga taong nagiging biktima ng mga sakuna na dumarating sa ating mga kababayan. Dahil dito, sobrang saludo ako sa lahat ng mga taong may ginintuang puso.
Dahil bagong taon na, sana ay baguhin na natin at nawa ay mabago na ang mga kaugaliang hindi maganda. Panalangin natin na sana ay wala ng trahedya at sakuna na dumating pa muli sa buong mundo. Isa itong tapik ng Diyos sa atin para maalala natin na lahat tayo dito sa mundo dapat ay pantay pantay lamang. Gawin kung ano ang tama at hindi lang sa ating mga kapwa tao kung hindi sa inang kalikasan din. At dahil malapit na rin ang araw ng mga puso, sana po ay magmahalan tayong buong tapat. Lagi nating pairalin ang pagmamahal at magkaroon tayo ng malambot na puso sa mga taong nangangailan ng ating tulong at pagmamahal.
Sa kabila ng lahat ng nangyari sa ating bansa, alam ko na madali tayong makakabangon kung ang bawat isa ay magtutulong-tulong at magkakaisa. Huwag na tayong maghintay pa ng kung anumang matinding trahedya para lang tayo magbago at mag tulong-tulongan. Marami pang pagkakataon para magbagong buhay dahil lahat tayo ay may pag-asa. At ang pinakamahalagang mensahe: Ang pagbabago ay hindi naman dapat tinatapat tuwing bagong taon lamang. Ang pagbabagong buhay ay pwedeng mangyari sa anumang bahagi ng taon. At itong pagbabago ay dapat gawing tapat, makahulugan at makabuluhan sa ating mga puso.
No comments:
Post a Comment