Friday, January 24, 2014

Renaliza Rogers

SA TABI LANG PO
Basang-basa




July-August 2013

Tapos na ang summer season sa Pinas at heto nanaman ang ulan. Haay ulan, masarap sa balat. Noong summer ay sobrang init, abot singit! Minsan feeling ko ay binabangungot na ako sa aking pag tulog dahil sobrang init, halos hindi kayanin ng aircon. Kung isa mang pelikula ang pag-ulan sa summer, bagay dito ang title na, "Gaano Kadalas ang Minsan?"

Pero medyo nakakapagtaka ang weather sa Pilipinas. Minsan sobrang init tapos bigla na lang babagyo sa hapon tapos biglang iinit ulit. Hindi na ako nag aabalang magdala ng payong dahil alam ko naman na mukhang hindi uulan. Isang beses, pagtawid ko ng kalye, napatigil ako sa gitna ng daan dahil marami pang sasakyan at hinihintay kong mag stop. Bigla namang umulan ng pagkalakas-lakas. Wala akong magawa kundi maging entertainment source ng mga dumadaan. Nang nag stop na ang mga sasakyan, tumakbo na ako papuntang Jollibee para sumilong pero hindi naman ako maka-cross sa gutter dahil medyo bumaha at mababasa ang sapatos kong gawa sa tela. Pero wala akong choice kundi lumusong. Nang sa wakas ako'y nakasilong, bigla namang huminto ang ulan. Ay anak ng! Pumasok ako na mukhang bagong laba at kailangan isampay. Kung minamalas ka nga naman...

So ngayon ay Hunyo na, panahon na naman ng ulan. Ang sarap ng feeling kung nakikita kong nagdidilim ang langit. Ewan ko ba pero may dalang saya ito sa akin. Palagi kong pinagdadasal na sana'y umulan pag ako'y walang gagawin at nasa bahay lang. Masarap kasing matulog at makinig sa dumadagundong na mga patak ng ulan sa bubong. Pero hindi eh. Pag ako'y nasa bahay lang, mainit ang panahon. Pero pag ako'y may pasok o may lakad, saka naman uulan. Parang tukso, parang nang iirita.

Sa Japan, frustration sa akin ang ulan. Sa Pinas kasi, pag umuulan, ang ingay ng bubong dahil gawa sa yero at ang sarap pakinggan. Pero sa Japan, hindi ko alam kung gawa sa kung anong soundproof material ang bubong at wala akong marinig at isa pa, first floor kasi kami. Inis na inis rin ako kapag medyo winter at uulan. Tunaw na yelo ang uulan na sadyang ayaw na ayaw ko dahil prone to dulas. Minsan naman, pag-uulan ng medyo malakas, parang aapaw yung manmade river sa tapat ng apartment namin. Palagi ngang nagpapantasya ang aking ina na sana daw isang araw ay may lumutang na isang latang punong-puno ng perang itinapon sa ilog ng kung sinong Hapon. Pero wala. Puro mga tinapong basura at mga bisikleta lang.

Dito sa ating lupang sinilangan, kapag umulan ng malakas, maraming kababayan natin ang kinakabahan, lalo na yung mga nakatira malapit sa ilog o sapa. Anytime kasi pwede itong umapaw at baka maanod yung bahay nila. Naaalala ko noon yung kaklase kong mayabang. Sabi niya ay mayaman sila at malaki ang bahay nila sa isang mamahaling subdivision. Grade 6 yata ako noon nang bumaha sa buong city namin. Nagulat ako sa napanood ko sa balita at nakita ko ang aking kaklase basang-basa, lumulusong sa baha at inaakay ng rescue team. Inanod pala ng tubig ang bahay nila sa gilid ng sapa. Naawa ako sa kanya pero dinig ko na sabi niya sa  ibang mga kaklase namin ay "resthouse" lang daw nila yun sa gilid ng sapa.

Yung bahang yun na yata ang pinaka malaking kalamidad na na experience ko. Ginising na lang ako ng lola ko mga 4:30 am at pinabangon. Laking gulat ko na pagbaba ko ng kama ay may swimming pool na kami sa loob ng kwarto. Tumaas ng tumaas ang tubig, apaw bewang bago mag tanghali. Happy yung kapatid kong paduyan-duyan pa sa baha at happy rin yung ibang kapit-bahay na nag boating pa sa highway. Nakalimutan namin ang aso naming nakatali sa likod ng bahay. Nung medyo ulo na lang niya ang nakataas sa tubig ay doon pa lang siya umungol kaya't naalala namin siya at naipatong. Na trauma yung kawawang aso at kahit tatlong araw nang humupa ang baha ay ayaw pa rin nitong bumaba sa mesa. Nang mga 4pm ay wala nang baha. Ang nakapagtataka ay mahina lang ang ulan at malayo kami sa anumang ilog sapa o dagat pero bumaha sa buong siyudad. Kung anu-anong theories nanaman ang kumalat sa bayan kesyo may batang humingi daw ng tubig sa limang carinderia at hindi binigyan kaya't sinabi niyang, "Hayaan nyo po, bibigyan ko kayo ng tubig." Creepy...

Haay, ulan nga naman, maraming eksenang dinadala, maraming damdamin ang ibinabalik ng simoy ng hangin. Maraming na i-inspire tuwing umuulan, maraming nalulungkot, ako nama'y natutuwa dahil para itong nagbibigay ng kapayapaan sa akin. Parang nililinis ng ulan ang lahat ng mababasa nito, pani bagong simula kumbaga at parang hudyat na minsan kailangan nating huminto at magpahinga. Pero heto, wala na naman akong dalang payong. Buti na lang nandito ang suki kong batang kalye na nagnenegosyo ng payong tuwing umuulan. Limang piso kada hatid at pwede mo pang hiramin ang tsinelas niya para hindi mabasa ang sapatos mo.

No comments:

Post a Comment