Isang Araw sa Ating Buhay
July-August 2013
Sa audition ni Joseph Apostol, isang Pilipinong nakatira sa United Kingdom, sa The Voice – UK 2013 sinabi ni Tom Jones na maraming magagaling na singers sa Pilipinas. Sinabi niyang alam niya ito dahil narinig na niya silang kumanta. Sa seryosong salitang ito ni Tom Jones, ramdam ko ang saya bilang Pilipino. At si Tom Jones ay hindi nag-iisa.
Isang Malaysian diplomat ang nagsabi na masaya siya sa assignment niya sa Pilipinas dahil sa mga live bands. Dati sa Bangkok, karamihan sa mga music bands sa mga hotels ay mga bandang Pinoy. May napabalita din na maraming singers sa mga luxury cruise liners ay mga Pinoy at Pinay. Sa isang TV show sa Singapore, may nagpaliwanag na hindi na isinama ang mga Pilipino sa singing contest dahil magaga-ling silang kumanta.
Habang sikat si Victor Wood nung 1970s sa Pilipinas, sikat din siya sa Indonesia. Bago pa sumikat si Charice at Arnel Pineda sa US, lumabas na sa American TV nung 1960s ang Fabulous Echoes na karamihan ay mga Pilipino ang musikero/singers.
Ang kasaysayan ng pagsisimula ng jazz music sa Japan ay kaugnay sa mga Pilipinong musikero na tumugtog sa Japan ng jazz music bago pa ang World War II. Sila, kasama ang mga Amerikano, ang nagturo ng pagtugtog ng jazz music sa mga Hapones. Mga Pilipinong musikero din ang tumutugtog sa mga hotels sa Shanghai bago pa mag-gyera.
Bago pa dumating ang marami nating mga kababayang babae sa Japan para sa trabaho, mga musikerong lalaki na ang tumutugtog sa ilang clubs sa bansang ito. At ngayon, ilang Pilipina ang kilalang jazz singers sa Japan.
Halos gustong sabihin ng ilang hindi Pinoy na lahat ng mga Pilipino ay magaling kumanta. Kahit hindi naman totoo, naging isang image na natin ang pagkanta.
Kanta Bilang Makabayang Gawain
Sa pagdiriwang ng ika-33 taong ng tinatawag na Gwangju Uprising sa Korea nitong Mayo 18, 2013, naging isyu ang pagkanta ng “March for Thou.” Noong 1970s, panahon ni Pangulong Park Chung-hee, kinakanta ang “March for Thou” bilang protest song. Parang ito na ang naging pangalawang national anthem ng mga Koreyano sa pagpapahiwatig ng kanilang pagmamahal sa kanilang bayan. Noong nagaganap ang tinawag na Gwangju Uprising nung 1980, kinakanta din ng mga taga-Gwangju city ang “March for Thou” habang tinututulan ang martial law sa Korea.
Sa pagdiriwang sa taong ito, nagdesisyon ang pamahalaan ng Korea na hindi pakantahin ang mga tao ng “March for Thou” dahil darating ang bagong Pangulo, ang anak na babae ni Park Chung-hee, si Gyunghae Park. At dahil siya ay anak ng dating Pangulo nung 1970s, hindi daw magandang kantahin ang “March for Thou” sa harap niya. Kaya may orchestra at choir sa Gwangju Uprising Memorial ceremony para sila na lang ang kakanta.
Nguni’t nung kumakanta na ang choir ng “March for Thou,” sumabay nang buong sigla ang mga naulilang magulang at kamag-anak ng mga namatay nung Gwangju Uprising. Ang mga nakaputing cholgori na mga naulilang kababaihan ay hindi nagpapigil sa mga security personnel sa kanilang pagkanta. May ilang Koreyanong napaiyak sa pagkantang iyon.
Ito ang isang halimbawa ng lakas ng kanta na makaantig ng damdamin sa tao. Kapag may malalim na kahulugan ang kanta, mahirap pigilan ang pagkanta ng mga tao.
Sa Pilipinas, may sinulat na libro ang yumaong Jose W. Diokno na may pamagat na “To Sing Our Own Song.” Ito ay sinulat niya nung panahon ng martial law sa Pilipinas. Gusto niyang ipahiwatig na hindi dapat pigilan ang kalayaan ng tao kasama na ang pag-awit ng sariling kanta. Maraming bawal noon sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, kasama ang mga kantang pumupuna sa kanyang pamahalaan.
Tulad sa Korea, may kanta din tayong naging pangalawang pambansang awit noong mga panahong hindi pa napapalitan ang pamahalaan ni Pangulong Marcos. Ito ang kantang “Bayan Ko.” At kahit na nagbago ang pamahalaan nung 1986, ang “Bayan Ko” ay kinakanta pa rin sa mga pagtitipon ng mga Pilipino.
Dati pang protest song ang “Bayan Ko” na kinakanta laban sa pamahalaan ng mga Amerikano.
Kanta Bilang Bahagi ng Pang Araw-Araw na Buhay
Minsan, habang kausap ko ang isang Canadian, bigla akong kumanta nung bumanggit siya ng mga salitang kapareho ng lyrics ng isang kanta. Sabi niya na yun daw pagkanta ko ay “very Filipino.” Totoo nga naman. Basta’t may mabanggit na salitang katulad ng lyrics ng kanta, kumakanta na tayo kaagad. Bakit kaya?
Sintunado man o hindi, kumakanta tayo sa ating pang araw- araw na buhay. Kahit mga bata kumakanta ng mga kantang pangmatanda, kasama na ang pagkumpas ng kamay at paglabas ng damdamin sa mukha.
Hindi halos kumpleto ang kasayahan kung walang kantahan. Dati ang kailangan lang ay gitara at tuloy-tuloy na ang kanta habang nag-iinuman. Sa aming lugar sa Laguna, may mga nagbabarik (nag-iinuman) na puro kababaihan (obasan kung baga), at lambanog ang iniinom, na nauuwi sa kantahan kasabay ang paghampas sa lamesa bilang background music kapag lasing na. Sa Quezon, hawak-hawak ang bote ng lambanog at baso habang inaawitan ng babaeng nagtatagay ang mga lalaki para mapilit na mapainom. Nagkakaisa ang awit at inom sa ganitong pagkakataon.
Balita ko sa mga bara-barangay ngayon, ang party ay kailangang may sing-along machine. At maaari na ngayong umarkila ng sing-along machine para tuloy-tuloy ang konsiyerto ng lahat ng may malalakas ang loob. Asenso na tayo ngayon!
Kanta Sa Buhay Sa Japan
Ilang beses ko nang narinig sa mga kababayan ang magandang naidudulot ng pagkanta sa loob ng karaokehan. Halos walang katapusang kanta at sayaw ang ginagawa sa loob ng ilang oras ng saya.
At sa katapusan, nagpapasalamat sila dahil nawala kahit paano ang kanilang stress, o nabawasan man lang.
Maaaring dahil hindi natin kadalasang naririnig sa Japan ang mga dating paboritong kanta sa Pilipinas, kaya’t kung kakantahin ang mga paboritong yon parang bumabalik ang mga masasayang panahon sa Pilipinas. Parang nagiging bata muli. Maaaring sa iba, parang muli silang umiibig.
Kaya na nga therapeutic ang pagkanta sa mga taong maraming stress sa buhay – tulad maaari ng marami sa atin na mga dayuhang naninirahan sa Japan. Ang pagkanta ay isang bagay na mabilis gawin, at may malaking tulong sa ating isipan at damdamin.
Yung nakasanayan na nating ugali na kumakanta nang wala sa oras at lugar ay siyang nagiging mabisang paraan para maibsan ang lungkot, o malimutan ang problema kahit sandali lamang. Kailangan natin ng time out sa mga pang araw-araw na stress sa buhay kaya ang pagkanta, o di kaya ay pakikinig sa mga kanta, ang isang magandang break.
May nagsasabi na ang mga awit ay panalangin din. Kaya maaaring ang pagkanta ay paraan upang makapagdasal.
Minsan habang naglalakad sa kalye dito sa Japan, napapakanta ako (nang pangsarili lamang). Sa Pilipinas karaniwan lang yan, pero sa mga lugar na iniikutan ko dito sa Japan, bihira ang kumakanta habang naglalakad sa kalye. Kaya’t napapatigil ako sa pagkanta kapag napapalingon sa akin ang mga Hapones. Pero, masaya ang pakiramdam na uuwi ka pagkatapos ng trabaho at may kinakanta ka habang palakad sa bahay. Pang-alis ng pagod, pangdagdag sa masayang pagtatapos ng araw.
No comments:
Post a Comment