Isang Araw sa Ating Buhay
September-October 2013
Sino ang mag-aakala na sa isang DMZ village sa South Korea makakapanood ng isang pelikulang may mensahe para sa mga taong nakiki-pagsapalarang manirahan sa ibang bansa? Hindi ko akalain ang pelikulang ito ay may kinalaman sa mga Pilipino sa South Korea. Nabigla na lamang ako nung may isang eksena na mga Pilipino ang extra at nagsasalita pa ng wikang Pilipino. Nguni’t may mas nakakabigla pa sa susunod na mga eksena.
Wan-deuggi
Isa sa popular na pelikula nung 2011 ang Wan-deuggi (완득이) (“Punch” ang ingles na pamagat) na pinangunahan ng isang Korean pop star na si Yoo Ah-in (유아인). Ito ay istorya ni Do Wan-deuk, isang highschool student. Si Yoo Ah-in ang gumanap na Wan-deuk. Mahirap ang pamilya ni Wan-deuk at hirap din siya sa kanyang pag-aaral dahil sa kanyang sobrang higpit na titser.
Hindi natatapos sa school ang problema ni Wan-deuk. Magkapitbahay sila ng kanyang titser. Kaya, maya’t-maya ay sinisita siya ng titser niyang nasa tabing bahay lamang. Hinihingan pa siya ng pagkaing binibigay sa kanya bilang social welfare support dahil nga sa mahirap siya.
Dahil dito, nagdarasal siya sa isang maliit na simbahan na sana ay mamatay na ang kanyang titser.
Walang regular na trabaho ang kanyang tatay na kuba. Pero kahit kuba, magaling namang sumayaw. Nagsara ang restoran na kanyang sinasayawan at kaya napilitan siyang magtinda sa bangketa kasama ang kaibigang sumasayaw din.
Magaling sa suntukan si Wan-deuk. Nung minsang ang tatay niya ay inatake ng ilang goons dahil sa kanyang pagtitinda, bugbog sarado ang inabot ng mga goons. Nguni’t pagdating sa bahay, pinagalitan siya ng kanyang tatay, at sinabihang huwag na huwag siyang gagamit ng dahas. Tinapos ang sermon ng isang sampal.
Ganito ang buhay ni Wan-deuk.
Titser
Ang sobrang higpit na titser ay hindi karaniwang guro. Ang kanyang paghihigpit kay Wan-deuk ay parang dala ng kanyang kagustuhang maging maayos ang buhay ng binatilyo. Hindi alam ni Wan-deuk na ang titser niya ay pastor sa simbahang kanyang dinadasalan.
Ang titser ay hindi karaniwang pastor. Siya ay anak mayaman. Binili niya ang simbahang dinadasalan ni Wan-deuk. Nguni’t nakatira siya sa lugar na pangmahirap. Minsan, may dumating na mga pulis sa school at hinahanap ang titser. Nalaman na lamang ng mga estudyante na nasa kulungan na siya.
Nalaman ni Wan-deuk na kaya ikinulong ang titser ay dahil sa pakikipag-ugnay niya sa mga dayuhan sa Korea na walang sapat na visa. Nang sabihin ni Wandeuk na mabuting itigil na ang pakikipagugnayan sa mga ganitong dayuhan, sumagot ang titser: “Bakit, labag ba sa batas ang makipag-ugnay sa mga dayuhang walang sapat na visa?”
Ang titser ay may mahalagang parte sa buhay ni Wan-deuk. Siya ang nagsabi sa binata na ang kanyang ina ay isang dayuhan!
Nabigla si Wan-deuk nang malaman ito. Galit din siya dahil hindi na niya nakilala ang nanay niya. Sa tingin niya, iniwan siya ng kanyang ina nang siya ay sanggol pa lamang.
Nguni’t hindi pa tapos ang istorya, ang kanyang ina ay isang Pilipina!
Nagmaktol si Wan-deuk: mahirap siya, kuba ang tatay niya, at ang nanay niya ay Pilipina pa.
Ina at Anak
Sinabihan ng titser si Wan-deuk na gusto siyang makita ng kanyang ina. Nagpupunta raw sa simbahan ang ina niya at doon niya siya makikita. Hindi naman gustong makilala pa ni Wan-deuk ang nanay niya.
Hindi nagtagal ay nagkita ang mag-ina, pagkatapos ng maraming taon.
Dahan-dahang nagkakilala ang mag-ina. Minsan, nagsama ang mag-ina upang puntahan ang kanyang tatay. Sa pag-uwi, nakiusap ang nanay kung puwede niyang yakapin ang anak. Pumayag si Wan-deuk mayakap muli ng kanyang nanay. Doon humingi ng tawad ang ina sa pagkakahiwalay nila.
Nakita ni Wan-deuk na sira na ang sapatos ng nanay niya at kaya niyaya niyang bumili ng bagong sapatos. Pagkatapos makapili ng tamang sapatos, si Wan-deuk ang nagbayad. Nguni’t hindi ibinalik ng tindera ang sukli. Hiningi ng nanay ang sukli pero ayaw ibigay ng tindera. Nang tanungin ng tindera si Wan-deuk kung sino ang kasama niya, sumagot si Wan-deuk nang malinaw: “Nanay ko siya.”
Pagbabago ng Buhay
Nagbago ang buhay ni Wan-deuk nung maipakilala siya sa isang boxing gym. Nagkaroon siya ng misyon sa buhay, ang maging boksingero.
Ang tatay at nanay naman niya ay nagkabalikan. Pinuntahan ng tatay ang kanyang nanay sa pinagtatrabahuhang restoran. Nung makita ng nanay niya ang kanyang tatay, sinabi niya sa wikang Pilipino sa kanyang katrabahong Koreyano kung sino yung lalaki: “Asawa ko siya.” Ipinaliwanag nung tatay kay Wan-deuk na hindi niya nagustuhan ang trato ng mga tao sa kanyang nanay sa dating restoran. Itinuring daw na parang alila ang nanay niya.
Sa bandang huli, masayang nagkainan ang muling nabuong pamilya (kasama ang dalawang kapitbahay at ang titser). Nagluto ang nanay at ipina-kilala ang kanyang lutong sinigang. Nag-inuman at nagsayawan silang lahat.
Parang Pelikulang Pinoy
Ang mga eksena sa loob ng maliit na simbahan sa pelikulang Wan-deuggi ay katulad ng napakaraming pelikulang Pilipino na simbahan ang mahalagang lugar. Sa simbahan humi-hingi ng tulong, naglalabas ng hinaing, naghahanap ng sagot, o nagmamaka-awa sa Diyos na maalis na ang mabigat na pasanin. Ito ang ginawa ni Wan-deuk sa kanyang pakikipag-usap sa Diyos.
Sa katapos-tapusan taga-simbahan ang tumulong sa paglutas ng problema ni Wan-deuk. Sinasalamin nito ang katotohanang maraming simbahan sa South Korea, na kahit maliliit ay maaaring malaking tulong sa mga tao (Koreyano o dayuhan).
Tulad din sa Japan, maaaring malaki ang bahagi ng simbahan sa pagtulong sa mga dayuhan sa South Korea. Dito sa Japan, mga taga-simbahan ang isa sa mga nanguna sa pagtataguyod ng karapatan ng mga dayuhan mula’t-mula pa.
Ang Nanay
Ang istorya ng Wan-deuggi ay batay sa isang nobela. Nguni’t kakaiba sa nobela, ang dayuhang asawa ay hindi Vietnamese kundi Pilipina.
Ang gumanap na Pilipinang asawa ay si Jasmine Lee, taga Davao city na nakapag-asawa ng Koreyano. Sa Davao city sila nagkita. Naging Korean citizen na siya nung magka-anak. Nag-aral siya ng salitang Koreyano at naging active sa mga issue ng mga dayuhan sa Korea. Lumabas siya sa isang TV program, na nagsasalita siya ng Koreyano, at naging kauna-unahang naturalized Korean na maging miyembro ng Korean parliament.
Namatay ang asawang Koreyano ni Jasmine nung 2010 dahil sa atake sa puso, pagkatapos sagipin ang anak na muntik nang malunod sa isang ilog.
Kilala si Jasmine Lee sa Korea dahil sa kanyang gawaing nakakatulong sa mga dayuhan.
Multi-cultural Family
Ang Korea, hindi tulad sa Japan, ay may panuntunan tungkol sa tinatawag na multi-cultural family. Ito ay pamilya na binubuo ng mag-asawang Koreyano at di-Koreyano at ng kanilang mga anak. Ang panuntunang ito ay bahagi ng pagkilala sa katotohanang naghahanap ng mga asawang dayuhan ang mga Koreyano (kadalasang mga lalaki) dahil hindi sila makapag-asawa ng kapwa Koreyano.
Layunin ng panuntunang ito na igalang ang mga multi-cultural families, at bigyan sila ng halaga bilang bahagi ng lipunang Koreyano.
Sa aking napuntahang subway station sa Gwangju city, may display tungkol sa mga dayuhan sa South Korea. Sa Inchon airport, may advertisement tungkol sa programa para sa mga dayuhan. Ang mga ito ay bahagi ng suporta sa multi-cultural families at sa iba pang mga dayuhan.
Bagama’t walang batas para sa multi-cultural family, malakas ang suporta ng pamahalaang Koreyano na tanggapin ito ng mga tao.
Ang Wan-deuggi ay isang halimbawa ng pagpapahalaga ng mga Koreyano sa mga dayuhan. Sa imbes na ipakita silang gumagawa ng hindi maganda, ipinakita ng pelikula ang makatotohanang kalagayan ng mga dayuhan bilang bahagi ng pamilya, bilang magulang.
Nguni’t hindi ibig sahihin ay maayos ang kalagayan ng lahat na mga dayuhan sa South Korea. Kahit si Jasmine Lee na isang legislator at kilalang tao ay binabatikos pa rin, pinagbibintangan ng kung ano-anong bagay dahil siya ay dating dayuhan. Nguni’t ang pagpa-patuloy ni Jasmine sa kanyang ginagawa ay hudyat ng malaking pag-asa sa pagbuti ng kalagayan ng mga dayuhan sa South Korea.
Sana ang pagiging popular ng pelikulang Wan-deuggi ay nakatulong sa lalo pang pagtanggap ng mga Koreyano sa mga dayuhang namumuhay o bahagi na ng mga pamilyang Koreyano.
Sana rin ay may pelikula dito sa Japan tungkol naman sa Pilipinong bahagi na ng pamilyang Hapones. At sana ay gawin ito ng kilala at malaking film company sa Japan upang lalong malaki ang pag asang ito ay panoorin at magustuhan ng maraming mga Hapones.
No comments:
Post a Comment