KAPATIRAN PAPUTOK
September-October 2013
umusta kapatid? Nanood ka ba ng Hanabi ngayong Summer? May nararamdaman ka ba sa panonood mo nito? Nakakabilib? Nakakamangha? Nakakagulat? Basta ang ganda! Syempre pa para kumpleto ang “feel” mo ng “atmosphere” ng Japanese Summer, magsuot ka na rin ng Yukata o Jimbe. Grabe lang ang siksikan sa tren ano? At ang pila para makasakay ka ng tren!
Noong una akong nakapanood ng Hanabi sa Japan, sabi ko, parang picnic pala ito kase lahat ng gears na ginagamit sa picnic noong nakaraang Spring binibitbit din. Mas cute nga lang kase pwede kang magsuot ng kimono, ay hindi pala iyon kimono, yukata pala. Akala ko dati pareho lang iyon. Nagulat lang ako noong nasa train station na kami, parang Todos Los Santos sa North Cemetery ang dating sa akin, sobrang dami ng tao, siksikan, hindi ka basta makakalakad at sasabay ka na lang sa agos. Nalito pa nga ako dahil ang “obon” ay nasa buwan din ng Agosto at may nakapagsabi sa akin na ito ang katumbas ng Araw ng mga Patay sa Pilipinas kaya naisip ko, kaya pala!
Lahat ng hirap para makarating ka at makahanap ng magandang pwesto sa panonood ng mga fireworks ay naglalaho pala kapag nanonood ka na. Nakakasaya ang ganda ng mga kulay na nilalabas nito, ang mga tunog sa bawat pagputok, ang liwanag at kislapan na parang nagsasabing hindi totoo ito. Ang alam ko lang noon na fireworks ay sparklers at firecrackers gaya ng lusis, watusi, judas belt, kwitis at yung pinupuntahan namin sa pista ng simbahan sa plaza kapag buwan ng Mayo, ang “toro”! Parang nanghahabol yon kaya ang mga tao ay nagtatakbuhan, nagtitilian at nagtatawanan. Ang pinakasikat ay ang trumpilyo na umiikot na parang gulong habang nagbibigay ng tilamsik ng parang apoy at sari-saring kulay at magtatapos sa pagpapakita sa isang larawan na nasa loob nito, ang Mahal na Birheng Maria. Ito nga ang isa sa Filipino version ng Fireworks and Summer, at para sa akin ay napakaganda, simple lang para sa mga simpleng tao pero ang hatid na saya ay “as grand as the Japanese Hanabi.”
Hanabi, ano ba ito? Ito ay isang klase ng Explosive Pyrotechnics device. Ang Pyrotechnics o ang syensya ng pag-gamit ng mga bagay na maaring makalikha ng ingay, init, gas, usok at liwanag. Ang fireworks ay isa lamang sa mga bagay na produkto ng Pyrotechnics, ang posporo, oxygen candle (para sa mga lugar na maaring magka-problema ang isang tao sa paghinga tulad ng submarine), airbag ay kasama din dito. Ang fireworks ay na-imbento sa China mahigit sa isang libong taon na ang nakakaraan. Ang una raw na firecrackers ay ang berdeng tubo na kawayan na kapag hinagis mo sa apoy ay magbibigay ng malakas na tunog, ito ay ginamit sa paniwalang matatakot ang masasamang espiritu na sumisira ng mga tanim o nagbibigay ng sakit sa mga tao. Nang madiskubre na ang gunpowder o pulbura na siyang sangkap ng isang firecracker ginamit na din nila ito bilang panlaban sa kaaway at dito na rin nadiskubre pa ang paggawa ng kanyon at iba pang armas na pumuputok at sumasabog. Nang madala na sa Europe ang kaalaman sa paggawa ng firecrackers, mas lalong sumulong ang paggamit ng pulbura at nagkaroon na nga ng warfare revolution, ang mga armas sa gyera ay mas lalong tumindi, nadagdagan at mas naging mas makapangyarihan. Sa Italia umunlad ang fireworks bilang isang tunay na sining. Sila ang nagbigay ng hitsura dito, ang fountain, trumpilyo, sulo ay mula sa kanila. Ang mga maharlika nga at mayayamang tao sa Europa ay lubos naakit sa kagandahan at tunog ng fireworks na ginamit na din ito sa mga okasyon na mayroong pagdiriwang o pagbubunyi sa mga kaharian. Kulay orange lamang ang lumalabas na kulay ng fireworks sa loob ng mahigit na isang daang taon. Subalit sa masusing pag-aaral at mataas na antas ng kanilang intelihiya sa Kimika (Chemistry o ang syensiya ng pag-aaral ng komposisyon ng mga bagay at reaksyon sa paghihiwalay at paghahalo nito), nabigyan nila ng sari-saring kulay at mas maliwanag na kaanyuan ang fireworks, mas malakas ang tunog, mas kagilas-gilas. Sa kalaunan, ang bawat bansa ay nag-ambag at nagpapaligsahan sa pinaka maningning, pinaka malaking pagtatanghal ng palabas at pagandahan ng mga fireworks.
Ang Pilipinas man ay nagpakita na ng gilas sa sa paggawa ng fireworks. Ang “World Pyro Olympics” na ginanap sa loob ng limang araw sa tatlong taon ng 2005, 2007, 2008 at ang “The Philippine International Pyromusical Competition” na ginaganap mula pa noong 2010 ay timpalak para sa mga gumagawa ng Fireworks sa mundo at ito ay sa Pilipinas ginaganap. Biruin mo iyon, ang akala ko kulelat tayo pagdating sa paputukan, record holder pa pala. Si Brian Lim ng Pyroworks Philippines ay nasa Guiness World Book of Records for launching 125,801 rockets in under 30 seconds noong May 8, 2010. Bago siya, ang record ay hawak ni Dr. Roy Lawry ng Plymouth, UK, na naglunsad ng 57,999 rockets sa loob ng 30 segundo.
Dito nga sa Japan, ang mga pyrotechnicians o fire master (ang siyang may malalim na kaalaman sa pag-gawa nito at isang propesyon na nagtataglay ng paggalang) ay patuloy na nag-aaral at naglulunsad pa ng mga makabagong Hanabi na hindi lamang nagbibigay ng lubos na kasiyahan sa mga nakakapanood kundi nagbibigay din ng kaalaman sa kaugalian ng mga Hapones. Ang pasiklaban na ito ay napakamahal, siguro kung ang lahat ng pera na kasabay na nasusunog sa pagsabog ng bawat firework sa buong mundo ay nililikom para sa mga taong nagugutom, wala ng naghihirap. Hindi nga lamang ganito ang takbo ng buhay. Ang paghawak ng mga tao sa Japan sa kanilang trabaho ay walang biro, sa kanila, una ang trabaho kaysa sa lahat, malimit higit pa kaysa pamilya na marahil ang panonood ng hanabi ay isang gantimpla, ang kagalakan na hatid nito sa isang indibidual, sa magkakaibigan, sa magkasintahan, sa buong pamilya ay isang tradisyong hindi mapapantayan ang kahalagahan sa buhay.
Ano kaya ang bago ngayon sa Hanabi sa Shiga? Sa lugar mo kapatid, nakakapanood ka ba ng fireworks? Parang buhay ng tao ang hanabi: makulay, maningning, bigyan mo ng pwersa at siguradong susulong pataas. Magpapasiklab, subalit matatapos din, kahit gusto mo pang habaan. Ang ikli nga lang eh, kaya ipagdiwang mo ang buhay na ito at gawin mong napakaganda na hindi makakalimutan ng mga taong nakakita o nakakilala sa iyo sa mundo kahit na natapos na ang Hanabi mo!
No comments:
Post a Comment