Wednesday, January 29, 2014

Renaliza Rogers

PAGLUTO




September-October 2013

Bahaw na kanin. Ano kaya ang pwede kong gawin? Syempre, isang bagay lang ang pumasok sa isip ko sinangag. Gusto ko syempre medyo may kabonggahan kaya't nang raid ako ng hotdog at dalawang itlog sa refri-gerator at sinimulan ko nang maghiwa ng sangkaterbang bawang at sibuyas. Pinirito ko na ang itlog, ginisa ang hotdogs at ibinuhos ang kanin. Asin, paminta, konting Magic Sarap, at gisa lang ng gisa. Voila! Meron na akong "Special Sinangag" na medyo brown!

Walang sinuman sa aming bahay ang gustong tumikim ng aking sinangag. Tumikim man sila pero labag sa kanilang kalooban at isa-isa silang nagsabing "busog pa ako." Alam ko na ang ibig sabihin nun. Ilang sandali ay kumain din sila ng plain rice at ulam.

Lahat yata sa aming pamilya magaling magluto. Ang aking ina ay napakagaling magluto.  Masarap din magluto ang aking ama, lalo na ng dinuguan. Sa totoo lang, wala naman akong ibang maalalang niluto ng aking ama pwera sa dinuguan at adobong ari ng baka na hindi ko naman tinikman. Hindi ako masyadong sigurado sa galing sa pagluluto ng aking mga kuya dahil ang natikman ko lang na niluto ng isa ay piritong Maling Luncheon Meat. Ang aking nakababatang kapatid naman ay masarap ding magluto, pawang pampulutan nga lang niya at mga kabarkada niya. Lahat ng mga kamag-anak ko magagaling. At ako? Trying hard din naman ako.

Okay, honestly, hindi ako magaling magluto pero marami na akong cooking experience. Minsan nakakachamba ako sa masarap, pero most of the time, palpak. Noon, nagluto ako panghapunan at proud na proud kong ipresent ito sa aking ina pagdating niya sa bahay pero laging ayaw niyang kumain ng mga niluto ko dahil "busog" pa raw siya. Napipilitan akong kumain mag-isa at kung kailan tapos na akong kumain at ubos na ang niluto ko ay saka siya "magugutom" at magluluto ng kung anong masarap at kakain sa aking harapan.

Ang pinaka-motherly advice na natanggap ko mula sa aking ina pagdating sa pagluluto ay "manood ka." Palagi akong nanonood, nag oobserve at pilit kong ginagaya ang kung anumang nakita ko pero kung hindi man maalat ay walang lasa. Minsan napagalitan ako ng aking ina dahil nabubulok na raw ang aking mga biniling mais at cauliflower sa ref at pag hindi ko ito mapakinabangan ay ihahampas niya sa akin. Kaya't hayun, nagluto ako ng "Beef Sinigang with Corn and Cauliflower" na siyang ikinasuka ng aking ina. Ewan ko sa kanya pero lasang sinigang naman ito at napakaasim pa. Binigyan ko pa nga ng isang bowl ang aming kapitbahay. Hindi na raw ako nahiya at namigay pa.

On a more positive note, magaling naman akong mag bake (ng mga ready-mix nga lang). Palagi kaming may mga boxes ng cake mixes na tanging gagawin mo na lang ay haluan ito ng itlog, tubig at mantika saka ibi-bake. Kaya't bake ako ng bake. Ang gaganda at ang sasarap ng aking mga nagagawa at proud ako sa mga ito. Yung nga lang medyo madaya dahil hindi naman talaga from scratch, pwera na lang sa icing. Ang aking icing ay palaging made from fresh ingredients at, in fairness, kuhang-kuha ang lasa ng Goldilocks! Siguro, dito ako hindi matatalo ng aking ina. Isang beses kasi, nag bake siya ng brownies at puto ang lumabas.

Masyado akong interesadong matutong magluto. Ang ibang anak, ini-encourage ng magulang pag may nakahiligan. Ako, dinidiscourage na nga lang, eh. Pero kahit alam kong hindi ako magaling magluto, try pa rin ako ng try kasi para sa akin, masarap ang pakiramdam na ipinagluluto ka. Kahit malansa, at least, nag effort! Pwera na lang syempre, pag may bisita kasi nakakahiya naman i-serve.

Siguro nga ang talent sa pagluluto ay hindi lang likas sa isang tao kundi natututunan din; talent at experience kumbaga at siguro makakatulong din kapag may magaling kang panlasa. Kahit gaano ka bongga ng isang putahe kung ang nagluto ay di kagalingan, hindi ito sasarap. Pero kapag ang nagluto ay sadyang magaling (lalo na pag may halong pagmamahal) kahit scrambled egg lang ay napakasarap na. For now, hanggang sinangag na lang muna ako. Hindi naman siguro ganoon kasama ang lasa ng niluto kong sinangag at naubos din naman ng aming aso.

No comments:

Post a Comment