Wednesday, January 29, 2014

Jeff Plantilla

Isang Araw sa Ating Buhay 




November-December 2013

Isang araw dumating sa isang restaurant ang isang kababayan. Masaya siya, uminom ng beer, nakipagkwentuhan at umuwi pagkatapos lamang nang mahigit isang oras. Sa pangalawang pagkakataon, dumating siyang nakawheelchair dahil sa sugat sa paa. Naaksidente siya sa trabaho.

Sa ating mga kababayang may trabahong may mga mabibigat at demotor na gamit, malaki ang posibilidad na mapinsala ang katawan sa aksidente. Kailangan maingat sa lahat ng oras.


Pakikipagsapalaran

Madalas na nating naririnig sa ating mga kababayan na makikipagsapalaran sila sa ibang bansa. Iiwan ang pamilya upang sumubok na magkaswerte sa trabaho sa lugar na malayo sa mga mahal sa buhay. At kung sakaling hindi malaki ang kikitain, tiis na lang muna dahil kahit paano ay may pera.

Nguni’t kung ano nga ba ang dadatnan sa lugar na dadayuhin ay hindi masisigurado. Mabait kaya ang magiging amo? Magbibigay kaya ng magandang trabaho?

Bagama’t may kontrata at may bayad pa sa mga ahensiya, hinding hindi masasabi na tunay na maganda ang pupuntahang trabaho. Kamalasmalasan ang madadatnang panloloko pala ang napuntahan.

Nguni’t kung tunay nga ang kontrata at matino ang napuntahang trabaho, ang swerte nama’y ipinagdarasal na sana’y magtagal.


Pag-alis sa Bansa

Nagdesisyon ako noon na kumuha ng working visa sa imbes na spousal visa papuntang Japan. Doon ako nagkamali.

Dahil sa panuntunan ng ating pamahalaan na mag export ng labor, meron tayong sistema kung paano ihahanda ang isang manggagawang aalis ng bansa. May mga papeles na kailangang aprubado ng pamahalaan (Philippine Overseas Employment Agency o POEA). May kailangang medical certificate at kaya may medical (physical at psychological) check-up. May kailangang aprubadong kontrata na dumaan sa Philippine Consulate sa bansang pupuntahan. Lahat ng ito ay idadaan sa POEA na magbibigay ng permisong maka-alis bilang worker – o bagong bayani.

Mid-1990s nung ako ay nagpunta sa POEA. Doon ko naranasan ang kalagayan ng mga aplikanteng manggagawa. Mahaba ang oras ng paghihintay sa gusali ng POEA.

Mainit sa loob at palaging puno ng tao ang POEA. May mga security guards na namamahala ng pila. Minsan ay hindi security ang pinamamahalaan, nakikialam na rin sa papeles na dala. Magtatanong kung anong dalang papeles at babasahin. Paano kung hindi niya aprubado ang papeles, saan ka pupunta? Sa security guard pa lang lagpak ka na.

Ang pinakahuling hakbang bago ang sertipikasyon na ayos na ang mga papeles ay ang seminar.

Nalaman ko na ang seminar ay may dalawang bahagi. Una ay yung pagsasabi kung ano ang dapat gawin kapag nasa ibang bansa na. Ang mga tagapagsalita ay mga opisyales ng POEA. May opisyales na panay ang biro sa seminar nguni’t strikto kapag nasa sa kanyang upisina na. May ayaw na tatanungin ng mga nagse-seminar dahil mawawala daw ang daloy ng kanyang pag-iisip. Nung may nagtanong, binalaan pang hindi palalabasin ng bansa kung siya hindi tatahimik. Bawal magtanong, dapat makinig lamang. Ang isang mensaheng tandang-tanda ko ay ito: kapag nasa ibang bansa na, huwag ninyong aawayin ang iyong amo.

Hindi nabanggit sa seminar kung saan pupunta kung may problema. Wala ding papel na may listahan ng mga Philippine Consulates na mapagtatanungan ng problema. Hindi rin binanggit sa seminar kung ano ang mga karapatan bilang manggagawa na dapat ay iginagalang ng kompanyang pagtatrabahuhan.

Natapos ang unang bahagi. Ang pinakahihintay na pangalawang bahagi ng seminar ay tungkol sa pera. Paano kayo magpapadala ng pera sa Pilipinas? Wala na ang mga opisyales ng POEA, pasok na ang empleyado ng isang bangko.

Naisip ko noon na bakit pa ako mag aaksaya ng panahon na makinig sa tagabangko. Meron naman akong sariling alam kung paano ako magpapadala ng pera kung gugustuhin ko. Nguni’t yun ay ikalawang bahagi ng seminar. Kung gusto kong makaalis sa tamang panahon, tatapusin ko dapat ang seminar.

Dahil sa working visa ang dala, aalis ka ng bansa para magsimula ng trabaho ayon sa kontrata at babalik sa katapusan ng kontrata. Hindi dapat bumalik sa kalagitnaan ng kontrata.

Pero paano kung bahagi ng trabaho ay yung pagbalik sa bansa? Walang problema sa pagbalik, ang problema ay yung pag-alis muli.

Kapag walang official permit sa pagbalik sa Pilipinas bilang migrant worker, wala kang permisong umalis muli bilang migrant worker. Halos ibig sabihin niyan, babalik ka na naman sa mga security guards at opisyales ng POEA at magseseminar.

Nakakapagbiyahe ako sa ibang bansa nang walang problema. Nguni’t kung uuwi ako sa Pilipinas, kailangang payagan muna ako ng pamahalaan. Parang kukuha pa ako ng visa para makauwi!

Kumukuha ako ng permiso mula sa Labor Attache (POLO). Bawa’t permiso ay nangangailangan ng pagbibigay ng kopya ng labor contract at bayad sa permit. Isang permit bawa’t isang uwi. Isang lakaran sa pagkuha ng permit sa bawa’t biyahe. Ilang beses din akong pabalik-balik sa Pilipinas kaya’t madalas ang bisita ko sa POLO sa Osaka noon.

Dati-rati, kailangan pang magbayad ng buwis sa ating pamahalaan para sa kinitang pera sa ibang bansa. Taon-taon ang pagpapafile ng income tax return. Mabuti na lang at nabago ang batas. Inalis na ang double taxation – buwis na sa Pilipinas, buwis pa sa Japan.

Napagod na rin ako sa ganitong kalagayan at kaya nag-apply na ako ng permanent residence status. Mabilis naman itong naibigay sa akin.


Bilog na Buhay

Napabalita ang pagde-deport sa 70 na mga Pilipino (mga matatanda at mga bata) na sakay ng isang chartered plane. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang eroplano ang ginamit para sa isang grupo ng deportees.

May mga tanong sa pagkakadeport na ito. Nakaposas daw sila habang nasa eroplano. May nagsabing may pinauwing walang matuluyan sa Maynila. Kaya sa isang lugar ng DSWD muna tumutuloy. At dahil sa kulang sa paghahanda ang pag-uwi, malamang ay walang trabaho silang mapupuntahan nang biglaan.

Mahigpit na ngayon ang paghuli at pagdedeport ng mga bilog. Nguni’t may mga nakikipagsapalaran pa rin na tumigil sa Japan hangga’t makakaya.

Makulay ang buhay ng mga bilog. Marami silang istorya kung paano sila nakakaiwas sa pulis. May tapang silang makihalubilo sa mga Hapones sa trabaho at sa pang araw araw na pamumuhay.

Kahit nagbago na ang batas tungkol sa immigration, nakakuha pa rin ng pagkakakitaan ang ating mga bilog. Sa mga may tinutulungan sa Pilipinas, nakakapagpadala pa rin sila ng pera. May nakakakuha pa rin ng medical/ dental service.

May report na isang Thai na bilog na tumagal sa Japan ng 20 taon. Tinutulungan siya ng employer niya. Kung magkasakit siya, suportado ang gastos niya. Napilitan na lang siyang umuwi dahil nagkasakit siya nang malubha. Nang siya ay nakauwi, tumagal lamang siya ng 7 buwan at namatay dahil sa cancer.

May isa namang Pilipina na may fake passport, nag-overstay, nagkaroon ng partner na Hapones, at nagka-anak. Nakatagal siya sa pamumuhay sa Japan. Nguni’t ang anak niya ay stateless (o walang nasyonalidad) dahil hindi nairehistro sa pamahalaan ng Japan o sa Philippine Consulate. Hindi siya kasal sa kanyang partner na Hapones. At hindi siya makakuha ng bagong passport dahil wala siyang mga dokumento. Kung uuwi siya, haharapin muna niya ang pagiging bilog saka pa ang pagkuha ng bagong passport o kahit travel document man lang.

At kung makakauwi siya, malamang na patawarin siya ng pagbabawal na makabalik sa Japan sa loob ng ilang taon (maaaring 5 taon).

Ang kalagayan niya ay hindi kakaiba sa kalagayan ng ibang bilog. Maaari silang manatiling nagtatago sa Japan, nguni’t hindi malayang makakauwi. Palaging may panganib na mahuli at biglang mapauwi. At kung maka-uwi hindi sigurado kung kailan makakabalik. Mas mahirap ang buhay kung may anak na hindi rin maayos ang residence status.


Patuloy na Pakiki-pagsapalaran

Milyon na ang dami ng mga Pilipino na nakipagsapalaran sa ibang bansa. May iba’t-ibang kwento ang kanilang karanasan sa paglayo sa Pilipinas.

Nguni’t malaki rin ang kabayaran ng malayo sa sariling pamilya lalo pa at bilog sila.

Masakit din ang karanasan ng pagkakaroon ng pamilyang hindi maayos ang pagtira sa ibang bansa. Tulad ng istorya sa pelikulang “Transit,” ang pinaka-nasasaktan ay ang mga bata.











 




No comments:

Post a Comment