KAPATIRAN
Kaparehong Araw ng Paglikha
July-August 2013
"The greatness of a nation and its moral progress can be judged by the way in which its animals are treated."
- Mahatma Gandhi
Kumusta kapatid? Ang init na ano? Meron ka bang sinusunod na tradisyon kapag summer? Sa Pilipinas syempre pa, punta sa beach, Boracay? Dito sa Kyoto, ang hirap maglakad sa kalye kapag taginit. Mas matindi ang init kesa sa Pilipinas. Ang topograpiya kase o posisyon ng lupa ay basin (palanggana), napapaligiran ng bundok. Pero kapag mahilig ka mag hiking, sa pag akyat mo sa tuktok ng bundok, hayun ang summer wind, presko!
Hindi lang tao ang init na init, pati mga alaga. Meron ka bang pets? Dito sa bahay, ang tradisyon ng summer ay ang pag-ligo ng mga pusa, naku ang ingay ng ngyawan sa banyo pero pagtapos makikita mo sila, “feeling so good” at mahimbing na natutulog. Mahilig ka ba sa hayup kapatid? Ang favorite show ko sa t.v. dito sa Japan, iyong “Darwin ga kita”, tuwing Linggo. Pinapalabas nila ang buhay ng ibat-ibang uri ng hayup, pati ng kaliit-liitan na mga langgam. Sila mang mga hayup ay may mga sariling buhay, paraan ng pamumuhay. Marunong sila, may damdamin. Sa bawat panonood ko nito at sa bawat kaalaman na nakukuha ko ukol sa buhay ng ibat-ibang hayup sa mundo, mas nadaragdagan ang simpatiya ko para sa kanila. Pakiramdam ko dapat lang na mahalin sila, hindi lang ang ating mga pets kundi pati ang mga nasa wild. Bilang isang Kristiyano, alam natin na kapwa natin sila nilalang, ‘sa ika-anim na araw, nilikha ang mga hayup sa lupa, pagkatapos nito ay ang unang tao sa mundo’. Pero bakit kaya maraming mga tao ang malupit sa mga hayup?
Ayon sa kasaysayan, ang mga unang tao sa mundo ay nabuhay sa pamamagitan ng pagkain ng mga karne ng mga hayup na kanilang nahuhuli, ang mga balat nito ang siya ding naging unang mga damit, sa paglilok ng mga buto nito ang siya namang mga unang gamit. Sa pag-angat ng sibilisasyon, natuto na rin ang mga taong magtanim at magdiskubre pa ng mga bagay na siyang nag-paikot sa sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan. Napakalaki ng utang na loob ng mga tao sa mga hayup.
1. Pagkain
Kinakatay ang manok, ang baka, ang baboy bilang pagkain. Ito nga ang dahilan kaya sila inalagaan, para sa karneng ibibigay nila. Masarap kumain, exciting ang tumikim ng mga putaheng hindi mo basta-basta makakain kaya lang malimit, ang pinangga-lingan ng mga delicacy o sabihin ng pambihirang pagkain ay mga hayup na pinagmalupitan para makain.
Ang Shark’s fin soup, paano ba ito ginagawa. Dahil ang karne ng pating ay hindi naman kinakain, ang palikpik lang nito ang kinukuha. Sa pagkahuli sa kanila, agad na tinatanggal ang kanilang palikpik (fin) at ihahagis silang muli sa dagat, ng buhay pa. Dahil wala na ang sa kanila ay kamay o pakpak, sila ay unti-unti ng lulubog dahil hindi na makalangoy at doon na mamamatay dahil sa unti-unting pagkain sa kanila ng iba pang hayup sa dagat o kapwa pating na magpipista sa kanila na wala ng panlaban. Narinig mo na rin ba kung paano kainin ang utak ng mga unggoy sa China habang buhay pa ang mga ito? Nakakawala naman ng appetite.
2. Companionship Ang mga aso nga ang tinatawag na man’s best friend, kapag minahal ka ng isang aso, hanggang sa kamatayan na nila ang kanilang pagiging matapat sa iyo. Di ba nga si Hachiko, nabasa mo na ba ang tungkol sa kanya? Siyam na taon, sa tuwing alas singko ng hapon hanggang sa huling tren, hinihintay niya ang kanyang amo na namatay na.
Nakakatuwang mag alaga ng hayup, lalo na kapag cute pero malaking business na ito na marami ang umaabuso. Ang mga cross breeders, mga taong parang nagtitimpla lang ng pagkain sa pag parehas na isang uri ng aso sa ibang lahi ng aso para maka diskubre ng bagong lahi o breed na mabibili sa mataas na halaga. Paano na lang ang mga hindi lumabas na maganda? Katulad din sa mga pet shop na hindi naibebenta ang mga tinitindang hayup, walang makabili sa kanila kaya para din silang basura na itatapon, ididispatsa, papatayin na lang. Dahil din sa cross-breeding, maraming hayup na alagain (pets) ang nagtataglay ng sakit, deformities, at abnormalities sa katawan.
3. Bilang Gamot Chinese medicine? Mahirap maintindihan ang silbi ng gamot na galing at gawa sa China. Buhay ng mga Endangered Animals (malapit ng maglaho sa mundo) ang kapalit nito. Sa lakas ng demand sa mga hayup na nagtataglay ng mga parte ng katawan o lamang loob na sila nilang ginagawang gamot, hindi mapigil ang Poaching (illegal na paghuli sa mga hayup na itinakda ng “protected o hindi dapat galawin”) katulad ng tigre at rhinoceros.
Sana panay buto na lang ng dinosaur ang gawing gamot sa China. Sa mga nahuhukay nilang fossils (buto) nilalaga nila bilang Dinosaur Bone Soup o pinupulbos para maging gamot. Dito wala nang masasaktan kase labi na lang ng isang hayup na matagal ng Extinct (naglaho na sa mundo) ang pinanggalingan.
4. Gamit sa Katawan Leather bag, reptile skin shoes? Sa Fashion Industry, napakatindi ng animal cruelty (kalupitan sa hayup). Ang sosyal ng fur, ang lambot, masarap daw sa katawan, pero saan ba ito galing? Sa balat ng mga hayup na marami ay binabalatan habang buhay pa. Raccoon, mink, chinchilla pati aso at pusa. Kapag nakakakita ako ng fur na suot o gamit ng isang tao, hindi ko maiwasan isipin kung paano nahiwalay ang katawan ng hayup na dati ay nasa loob nito?
Napakaraming bagay ang binibigay sa atin ng mga hayup, hindi mabilang. Marami silang sakripisyo para sa ating mga tao. Sa mga zoo kung saan sila nakakulong, kalayaan nila ang kapalit para mabigyan ng saya ang mga bata, makita silang kamangha-manghang nilikha ng malapitan, mapag aralan. Sana hindi sila pinagmamalupitan, sana balang araw, ang mga tao at hayup ay maaari ng mamuhay na magkasama sa isang mundo. Siguro pwede ito mangyari kung wala ng taong mas binibigyan ng halaga ang pera, ang putahe, ang style, kesa sa buhay ng mga nilikha nang araw na siya rin ay nilikha.
No comments:
Post a Comment