Wednesday, January 29, 2014

Nestor Puno

PAGGAMIT NG IBANG PANGALAN SA PASAPORTE AT
REPUBLIC ACT 8239 O PHILIPPINE PASSPORT ACT




November-December 2013

Isa sa mga problema ng ating mga kababayan dito sa Japan, ay ang paggamit ng hindi tunay na pangalan sa kanilang pasaporte. Noon, marami sa mga pumapasok sa Japan na iba ang pangalan ay mga tourist visa o mga entertainers dahil sa hindi pa husto sa gulang para makapasok sa ganung trabaho o kaya ay dahil sa pamamaraan ng mga manager o promoter. At kapag nakapasok na sa Japan at mag-aayos ng kanilang papeles para legal na makapanatili dito, isinusuko nila ang kanilang ginamit na pangalan para maiwasto ang lahat.

Nitong mga nagdaang buwan, marami ang kumukonsulta sa akin hinggil sa kanilang pasaporte na hindi nila tunay na pangalan ang gamit. Subalit ang kaibahan ngayon kaysa noon ng mga ganitong kaso, halos lahat sila ay may visa at ang iba ay permanent visa pa. Batay sa kanilang salaysay, mayroong napilitang gumamit ng pangalan ng iba dahil ang pangalan niya ay ginamit na ng ibang tao, mayroon nabiktima at napaniwala ng mga nag-recruit sa kanila para lamang makapunta dito, at mayroon namang gamit na nila noong sila ay talento pa hanggang sa kasalukuyan.

Noon, kapag mag-aayos ng papeles gayundin ng kanilang pangalan, mag-aaplay sa konsulado o embahada ng bagong pasaporte para sa tunay na pangalan. Nabibigyan ng bagong pasaporte gamit ang tunay na pangalan matapos maisumite ang mga dokumentong kailangan para sa aplikasyon. Minsan ay tumatagal nga lamang ng ilang buwan dahil sa pangangailangang i-beripika ang identification bago mai-proseso ang aplikasyon.

Unti-unting naging mahirap ang mga hinihinging dokumento ng embahada o konsulado na dati-rati ay birth certificate, baptismal at F-137 lamang pero nadagdagan ito ng NBI clearance, graduation book, at iba pa. Mas malaki ang ginagastos at binabayaran kumpara sa karaniwang aplikasyon ng pasaporte dahil na din sa mga karagdagang dokumento. Maliban pa dito, kailangang magpabalik-balik ng ilang beses sa konsulado.

Subalit nitong mga nakaraang buwan, biglang naghigpit ang embahada at konsulado sa mga ganitong kaso. Ang mga kababayan nating nagpunta sa konsulado para mag-ayos ng kanilang pasaporte ay sinasabihang umuwi na lamang sa Pilipinas sapagkat hindi raw sila maaaring mabigyan ng bagong pasaporte. Nabigla ako sa sinasabi ng mga kumonsulta sa akin dahil ngayon ko lang narinig na mayroon ganitong patakaran ang ating embahada o konsulado. Kinausap ko si Consul General Taguiang ng Philippine Consulate General – Osaka hinggil dito at nakiusap na mabigyan ng pasaporte ang mga nag-aaplay na ito upang maayos ang kanilang papeles at maging maayos ang kanilang paninirahan dito sa Japan. Nakipag-ugnayan sa kanila ang mga aplikante sa pag-asa na mabibigyan ng pasaporte. Subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nagkakaroon ng linaw kung mabibigyan ba sila o hindi.

Nitong nakaraang lingo, nakausap kong muli ang isang konsulado hinggil sa usaping ito. Dito ko nakumpirma na talagang hindi na daw maaaring bigyan ng pasaporte ang mga gumamit ng ibang pangalan at kailangan sa Pilipinas na sila mag-ayos ng kanilang pasaporte, lalu na ang mga gumamit ng ibang pangalan sa e-passport. Ito daw ay batay sa kautusan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Manila, na may layuning ingatan ang prestihiyo ng Philippine e-passport.

Wala na bang ibang solusyon kundi ang pauwiin sila at sa Pilipinas ayusin ang kanilang pasaporte? Kawawa naman ang ating mga kababayan kung pauuwiin nila. Nauunawaan ko na ang mga gumamit ng ibang pangalan sa pasaporte ay isang paglabag sa batas at nararapat lang na maghigpit sa mga dokumento upang matiyak ang authenticity ng mga dokumento at identification ng tao. Subalit ang pauwiin sila sa Pilipinas upang mag-ayos ng papeles ay isang maling patakaran at hindi makatao. Tanging nais lamang ng ating mga kababayan na maging legal at magamit ang totoong pangalan. Hindi dapat pasanin ng iisang tao ang lahat ng responsibilidad sa problemang ito. Una, mayroong kaso na hindi naman sila ang may kagustuhan kundi naging biktima lamang, ang iba naman ay wala ng ibang paraan, sa kagustuhan na makapangibang bayan. Hindi ba’t ang ating pamahalaan ay mayroon ding responsibilidad sa mga nangyayari? Kung maayos lamang ang ekonomiya ng ating bansa at hindi kinukurakot ng mga nasa pamahalaan ang kaban ng bansa, hindi maghihirap ang ating mamamayan at hindi na magnanais umalis ng bansa. Ikalawa, pinahihintulutan ng pamahalaan ang mga recruiter at hindi napaparusahan ang mga ito kaya patuloy na nakakapangbiktima ng kababayan natin. At bakit hindi maayos ng pamahalaan natin ang pagsugpo sa mga pekeng pasaporte at papeles? Hindi ba’t karamihan ng mga pekeng dokumento ay galing mismo sa loob  ng mga ahensiya ng ating pamahalaan?

Ayon sa Republic Act 8239 o Philippine Passport Act, karapatan nating lahat na maglakbay at mabigyan ng pasaporte, at hindi dapat maging pribilehiyo lamang. Sinasaad sa Section 4 Article 5 ng RA 8239, ang Embahada at Konsulado ay maaaring magbigay ng pasaporte sa mga gumamit ng ibang pangalan, sa halip na travel document, sa mga sumusunod na kalagayan;
1. Kapag may sapat na katwiran sa pagbibigay ng bagong pasaporte tulad ng:
a. Nabigyan ng visa sa bansang kinaroroonan
b. Naikasal sa mamamayan ng bansang kinaroroonan
c. At, makataong kadahilanan.
2. Kapag walang kasong kriminal o sibil na nakasampa sa Pilipinas.
3. Kapag nagsumite ng mga kailangang authenticated documents.
4. Kapag isinauli ang pasaporteng ginamit.
5. At pagbibigay ng sinumpaang salaysay.

Ang batayan sa hindi pagbibigay ng pasaporte ay;
1. Kung may paglabag sa probisyon ng RA 8239
2. Kung ito ay may kautusan mula sa korte
3. Kung ito ay makakaapekto sa interes ng pambansang seguridad, pambansang kaligtasan at pambansang kalusugan.

Maliban sa paglabag dahil sa paggamit ng ibang pangalan, walang dahilan para hindi mabigyan ng pasaporte ang isang Pilipino. Kung sinasabi ng ating pamahalaan na kailangang protektahan ang dignidad ng e-passport kaya sila naghigpit, sino naman ang magbibigay proteksyon sa ating mga Pilipino. At hangga’t laganap ang korapsyon sa loob ng pamahalaan natin, hindi mawawala ang mga pekeng pasaporte.

Kung ang immigration office dito sa Japan ay dinidinig at binibigyan ng pagkakataong manatili ang ating mga kababayan dito, bakit ang sarili nating pamahalaan ang mismong nagpapauwi at nagpapahirap sa mga kababayan nating nagnanais mamuhay ng maayos at maituwid ang pagkakama-ling nagawa. Ang pagbibigay ng makataong konsiderasyon ay isang malaking dahilan na para mabigyan sila ng pasaporte.

Marami pa tayong mga kababayan ang nasa ganitong kalagayan at kahit na nais nilang maayos at maituwid ang lahat ng mali, ay hindi magawa dahil sa ganitong patakaran ng ating pamahalaan. Mungkahi ko sa mga kababayan natin na kumonsulta muna sa mga tao o grupong lubos na nakakaunawa ng batas at ng inyong kalagayan bago kayo pumunta sa mga ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas o ng Japan. Maaari tayong maghain ng sama-samang sulat o petisyon sa DFA sa Manila upang dinggin ang problemang ito at hilingin na mabigyan ng pasaporte. Maaari pong kumonsulta sa akin sa mga may ganitong suliranin. Maraming salamat po sa pagbibigay oras.

No comments:

Post a Comment