Wednesday, January 29, 2014

Nestor Puno

Philippine Consular Service
Forum sa Nagoya




September-October 2013

May forum na naganap hinggil sa consular service na inorganisa ng Philippine Society in Japan (PSJ Nagoya), Filipino Migrants Center (FMC), at ng Naka Ward Office ng Nagoya City, sa pakikipagtulungan ng Philippine Consulate General – Osaka, Kobe, noong Hulyo 28, 2013. Layunin ng nasabing forum na malaman at maliwanagan ang mga alituntunin at pamamaraan ng ating konsulado sa pagaaplay ng mga dokumento, tulad ng sa kasal, diborsyo, pagpapatala ng kapa-nganakan, pasaporte, at iba pa.

Dinaluhan ang forum ng 90 katao, mula sa mga kasapi at lider ng iba’t-ibang komunidad ng mga Pilipino sa Tokai Region, at mga Hapon na mga abogado, administrative lawyer at kasapi ng mga NGO na tumutulong sa ating mga kababayaan.
Inumpisahaan ang programa sa pagbubukas ng inyong lingkod, na sinundan ng bating-pambungad ni Naoyuki Takahashi, pinuno ng Community Development Office ng Naka Ward, at ng ating Kagalang galang na Consul General Maria Theresa L. Taguiang, ng Philippine Consulate General – Osaka, Kobe. Sinimulan naman ang lektura batay sa mga nakatakdang usapin, ni Consul Jerome John O. Castro at Vice Consul Dominic Xavier M. Imperial. Ang mga tagasaling wika naman ay pinamunuan ni Prof. Sachi Takahata ng University of Shizuoka, kasama sila Liberty P. Suzuki ng Konsulado at Miki Goto ng FMC. Si Noemi Oba, ng PSJ Nagoya naman ang punong abala. Ang programa naman ay isinara ni Virgie Ishihara, Executive Director ng FMC.

Tinalakay ni Consul Jerome John O. Castro ang usapin ng pagpapa-kasal o hinggil sa “legal capacity to contract marriage” o LCCM. Ipinaliwanag din niya ang tungkol sa “judicial recognition,” at ang mga desisyon ng korte suprema na nagpapatupad ng patakarang ito.  Ayon sa kanya, hindi maaaring kilalanin ng Pilipinas ang isang diborsyo o bagong kasal na hindi naiproseso sa konsulado hanggat hindi dumadaan at kinikilala ng korte sa Pilipinas, o ang tinatawag na judicial recognition. 

Tinalakay naman ni Vice Consul Dominic Xavier M. Imperial ang usapin hinggil sa pagsusumite ng report of birth at hinggil sa pasaporte. Ayon sa kanya, walang pagbabago sa patakaran at kailangang dokumento sa pagpapatala ng kapanganakan, maliban sa affidavit kung late ng naiparehistro at kailangang maghanda ng 4 sets ng mga isusu-miteng dokumento. Hinggil naman sa pasaporte, tinalakay niya ang karaniwang proseso ng pagkuha ng pasaporte, bagamat hindi masyadong natalakay ang usapin ng mga lost passport at gumamit ng ibang pangalan, dahil na rin sa kakulangan ng oras.

Para sa mga detalye at kailangang impormasyon tulad ng mga kailangang dokumento, halaga na dapat bayaran, proseso at iba pang nais malaman, maaari po nating bisitahin ang website ng Konsulado sa, www.osakapcg.com. At kung nais magtanong, ang isang paraan para makontak sila kung hirap makipag-ugnayan sa telepono, pwede po tayong mag e-mail sa kanila sa, consulate@ osakapcg.com, o di kaya’y magpadala ng fax ng inyong katanungan.

Tagumpay ang nasabing forum batay sa pagtatasa ng mga dumalo at sa masiglang talakayan ng mga usapin. Maraming katanungan ang mga nasagot, subalit marami pa din ang hindi naharap dahil sa kakulangan ng oras at may mga usaping naiwan na nangangaila-ngan pa ng mas mahabang talakayan. Napagkaisahan na ipaabot sa amin ang mga katanu-ngang hindi nasagot at sama-sama nating ipapaabot sa Konsulado upang makakuha ng karampatang kasagutan.

Opinyon:

Sa aking pananaw, ang usapin ng diborsyo o judicial recognition ay mabibigyan lamang ng solusyon kung maisasabatas ang diborsyo sa ating bansa upang mapangibabawan nito ang mga kautusan ng korte suprema hinggil sa usaping ito. Kailangan nating gumawa ng hakbang upang maisagawa ito sa pamamagitan ng petisyon upang maisabatas ito o kaya ay magsampa ng usapin sa korte upang humingi ng konsiderasyon na kilalanin ang diborsyo ng mga Pilipino na naganap dito sa Japan. Kung nabigyan ng karapatang magdiborsyo ang Hapon at kinilala ito ng kanilang pamahalaan, magiging kawawa lamang ang mga Pilipino na nadiborsyo pero hindi kinikilala ng batas ng ating bansa. Posibleng dumami pa lalo ang kaso ng pagsasamantala sa mga kababaihang Pilipino dahil sa magiging mahina ang katayuan nila sa loob ng pamilya. Alam naman natin na kapag nakipaghiwalay ka sa iyong asawa, maaaring mawalan ka ng visa, maliban kung permanente ka o may anak na nasa iyo ang custody ng bata. Magtitiis na lamang ang mga kababayan natin kahit na sinasaktan at inaabuso ng asawa kaysa naman mawalan ng visa at mapauwi sa ating bansa.

Sa usapin naman ng mga pasaporte na gumamit ng ibang pangalan, tanggap natin na may paglabag sa batas dahil sa paggamit ng ibang pangalan, subalit hindi natin pwedeng ipapasan sa may tao ang lahat ng responsibilidad. Una, nagawa ito dahil sa kagustuhang makapangibang-bayan para sa kanyang pamilya. Kung maayos lamang ang ekonomiya at politika sa ating bansa, hindi mo na pipiliing mangibang-bansa. Ikalawa, hindi natin kailangan ang paghihigpit para maipatupad ang isang batas, kailangan natin ay sinseridad ng mga nagpapatupad sa iba’t-ibang ahensya ng ating pamahalaan. Kung masusugpo lamang ang corruption at magkaroon ng maayos na sistema, hindi magaganap ang mga pekeng dokumento. Dito sa Japan, kahit kinikilalala na ang existence ng isang Pinoy at kulang na lamang mabigyan ng opisyal na visa, ang pamahalaan naman natin ang nagsasabing umuwi ng bansa para lamang ayusin ang sariling pasaporte.

Gayunpaman, kami ay lubos na nagpapasalamat sa ating Konsulado sa pagpapaunlak sa ating imbitasyon, sa mga lider ng Filipino organizations na dumalo, at sa mga Hapon na ating ka-network. Nawa’y nakapagbigay ang forum na ito ng dagdag na kaalaman at paglilinaw sa ating lahat. Inaasahan po namin ang muli nating pagkikita-kita sa mga susunod na talakayan na may kaugnayan sa ating pamumuhay dito sa Japan. Mabuhay po tayong lahat.

No comments:

Post a Comment