Isang Araw sa Ating Buhay
January-February 2014
Dumarami ang mga Pilipino na sumasali sa mga singing contests sa labas ng Pilipinas. Kahit hindi sila nananalo hinahangaan pa rin.
Kailan lang ay nanalo ang isang 14 anyos na babaeng malamang na Pilipina sa isang singing contest na ipinalabas sa TV sa Japan. Ingles lahat ang kanta niya, at hindi yon naging hadlang sa kanyang pagiging kampeon.
Ipinakikita sa mga manood ang buhay ng mga sumasali sa contests. Ipinakikilala ang kanilang pamilya at nalalaman ng mga manonood ang kanilang hangad na maging sikat na manganganta.
Minsan, ang mas mahalaga ay yung buhay sa likod ng pagkanta kaysa sa pagkanta mismo.
I am Rose
Si Rose Fostanes ay nakatira sa Israel. Siya ay 46 years old. Medyo malusog siya at masayahin. Kung titingnan ang kanyang hitsura, wala siyang kaibahan sa maraming Pilipino. Siya ay isa sa mga taong makikita mong naglalakad sa kalye sa Pilipinas, napaka ordinaryong tao. Tulad din ng iba pang mga Pilipino madali siyang ngumiti at magbiro. Tumatambay kapag walang trabaho, nakikipagkwentuhan sa kapwa Pilipino. Magaan siyang kausap. Sa madaling salita, si Rose ay isang karaniwang mamamayang Pilipino.
Sabi ni Rose, “I am still single because I have been working for how many years that I forgot to find somebody… for me.” Paliwanag niya na, “I am here in Israel [working] as a caregiver…I love my job because I love to take care of old people and to give them some attention.”
Nakatira siya sa isang maliit na bahay sa Tel Aviv kasama ang tatlong kaibigan na nagtatrabaho din bilang “metapelet” o caregiver. Kapag lalaki ang caregiver, “metapel” ang tawag sa salitang Hebrew.
Nagdesisyon siya na sumali sa X Factor Israel, na matagal na niyang napapanood. Sabi niyang baka iyon ang maging dahilan para mabago ang buhay niya. Sabi niya, “God knows… how we sacrifice. That we are helping our family.” Sabi pa niya, “Maybe if I win…my life will change.”
Sa araw ng kanyang pag-audition, nakasuot siya ng karaniwang t-shirt at jeans, hindi inayos ang buhok, at naka rubber shoes. Dala-dala niya ang dalawang plastic bags na siguro ay kanyang baong pagkain. Para siyang bibisita lang sa kabilang barangay.
Hindi niya akalain na napakalaki pala ng stadium at napakaraming tao ang naghihintay. Ang mga judges sa X Factor Israel ay mga popular at magagaling na singers ng bansa.
This Is My Life
Kinanta ni Rose ang kilalang kanta ni Shirley Bassey, na unang nakilala nung 1960s pa. Nagsimula ang background music at binigkas ni Rose ang mga unang salita … “Funny how a lonely day…” agad na naramdaman ng mga judges at mga manonood ang galing niya sa pagkanta.
Sa unang bahagi ng kanta, laman ang pagdududa sa sarili. Nagtatanong ang isang tao kung ano ba ang ganda ng buhay :
Funny how a lonely day, can make a person say
What good is my life
Funny how a breaking heart, can make me start to say
What good is my life
Funny how I often seem to think I'll find another dream
In my life
Till I look around and see, this great big world is part of me
And my life
Nguni’t sinagot din ang pagdududang ito at nagpahiwatig ng paninindigan:
This is my life
Today, tomorrow, love will come and find me
But that's the way that I was born to be
This is me
This is me
This Is My Life
And I don't give a damn for lost emotions
I've such a lot of love I've got to give
Let me live
Let me live
Kinanta ni Rose ang “This is my life” na puno ng damdamin. Halos para siyang umiiyak nung sinabi niyang “I don’t give a damn for lost emotions.” Ipinahihiwatig niya ang mensahe ng kanta hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang magandang boses kundi sa kanyang mukha, at kamay.
Ken, Ken, Ken, Ken
Dalang-dala ang mga judges sa pagkanta ni Rose. Lahat sila ay nagre-react may napaluha nang konti, may hindi makagalaw, may galaw nang galaw ang ulo dahil dinadama ang pagkanta, at ang isa ay hindi mawala ang ngiti. Ganun din ang mga nanood sa stadium, hindi tumitigil ang palakpak habang kumanta si Rose. Pagkatapos ng kanta, standing ovation ang lahat – judges at mga manonood. Naka-X ang mga kamay ng mga manonood na ibig sabihin ay X factor. Napa-wow ang host sa nakitang reaction ng mga tao.
Napaiyak na rin si Rose sa nakitang pagtanggap sa kanya. Sabi ng mga judges:
• The song you chose was so right for you
• It was perfect…it was so… perfect
• It was wonderful. No words…you have the X factor.
Apat na Ken (oo) ang natanggap ni Rose. Pasok siya sa next round.
Pagbalik niya sa likod ng stage, sabi ng host, “You are a very, very special woman”. “I told you” ang sabi ng kasamang kaibigan.
Mapapanood ang buong audition sa YouTube. Si Rose ang pinakahuling nasabihan ng Ken, Ken, Ken, Ken. Ito ang url: www.youtube.com/watch?v=Lyn4qd1_14o.
Next Round
Sa second round, ang mga nakapasang contestants lang ang nasa stadium. Isa-isa uli silang kakanta.
Na-interview uli si Rose. Sabi niya, “I feel that everybody is looking at me like I am an alien.” Akala niya na walang sinuman ang kakausap sa kanya. At nagpahayag din siya ng maaaring dahilan kung bakit ganito ang maaaring mangyari, “The Israelis see Filipino[s] working .. cleaning houses. Maybe they…[will be] shocked [and ask] what this Filipino is doing here.” Bagama’t seryoso ang mga salItang ito, napangiti ako sa kanyang pagsasalita. Parang hindi ingles ang salita niya kundi yung salita sa Pilipinas. Napaka-relax ng kanyang pagsasalita – hindi siya gumagaya sa accent ng ibang tao sa pagsasalita ng ingles (halimbawa ay accent ng mga Amerikano).
Nagpapahiwatig siya ng takot, ng pangamba sa mga kasama niya sa contest. Iniisip niya ang maaaring nasa sa isip ng mga kasama niyang Israelis. Siguro naiisip niya na kung sila ay pinagsisilbihan ng mga Pilipino sa bahay, hindi kaya sila mailang na makasama ng isang Pilipinang tulad niya?
Nguni’t mas malakas siguro ang takot niyang hindi niya magawa ang dapat para siya manalo sa X Factor. Kaya sabi niya, “This is not a game. I am competing not only for myself… for my family because I want to help them. They are very poor in [the] Philippines.”
My heart … doog… doog… doog
Ninenerbiyos si Rose kaya sinabi niya, “If I make one mistake my journey in X Factor will be gone and maybe [my] dream to be something else will all be finished.” Kaya sabi niya na ang kanyang puso ay kabang-kaba (doog, doog, doog sa kanyang salita).
Nung siya ay tinawag na, kinanta niya ang “You and I” ni Lady Gaga. Medyo nabigla ang mga judges sa kanyang kakantahin. Hindi siguro nila maiisip na hindi lamang siya pang Shirley Bassey kundi pang Lady Gaga din. Kinanta niya ang “You and I” ayon sa kanyang style ng pagkanta. Kung sa una ang mga kapwa contestants ay medyo hindi pumapansin kay Rose, biglang nabago ang mga mukha nila at nagpapalakpakan habang siya ay kumakanta. Humanga sila sa kanyang mataas na boses. Standing ovation sila pagkatapos ng kanta. Ayos na naman si Rose.
You have to fight
Sa interview sa kanya sa second round ng contest, ipinahiwatig niya ang kanyang determinasyon na makamit ang gusto niya. Sabi niya, “You have to move, you have to fight, you have to make your best.”At nagpahiwatig na rin siya ng pag-asa, “Maybe it is not too late for me to have a good life.”
Magagaling at mga bata pa ang mga kasama ni Rose sa X Factor. Talagang mahigpit ang labanan.
Si Rose ay isang halimbawa ng taong hindi kaagad nakakakitaan ng galing. Nguni’t kapag nabigyan ng pagkakataon, nagpapalabas siya ng galing na kahanga-hanga at nakakabigla dahil hindi inaasahan. Hindi naging hadlang ang kanyang status bilang isang “metapelet,” bilang isa sa mga Pilipinong may gawaing maaaring hindi kilalang mataas na antas. Hindi naman talaga ito dapat maging problema dahil may dangal ang bawa’t isang hanap-buhay.
Sabihin na nating dahan-dahang ipinakikita ni Rose ang kanyang galing at ang kanyang pagkatao habang dahan-dahan siyang umaakyat papunta sa final round ng X Factor Israel. Iisa lamang ang ating dapat isipin para sa kanya: galingan mo pa Rose.
Sabi nga niya, you have to fight. Ken!
No comments:
Post a Comment